Limang taon na itong nakatabi sa aking drafts. Kung bakit ngayon lang, siguro isa na rito yung napatawad ko na ang sarili ko sa lahat-lahat at kahit huli na, kailangan pa rin hindi dahil obligado ako…ginusto ko lang. Hindi lahat ng tao nagkakaroon ng ganitong pagkakataon. Wala akong kahit anong kakaibang intensyon. Hindi ako tatakbo ngayong eleksyon. Haha. Balakaujan.
Hindi na siguro ito ang unang beses na magssorry ako sa mga nangyari. Mahirap, lalo na kung alam kong ako ang dahilan kung bakit ka nasaktan. Di ko pwedeng sabihin na hindi ko ito sinasadya kasi nung huli, meron akong choice. At noon, mas pinili kong unahin ang sarili ko. Minsan kasi sa dalawang pagpipilian, pareho ka pa ring masasaktan.
Sorry at nasira ang lahat ng binuo natin.
Sorry kung naging mahina ako.
Sorry kung hindi ko nakita ang kahalagahan mo sa mga naging desisyon ko.
Sorry kung nasira ko ang tiwala mo.
Sorry kung mas pinili kong itago sa’yo.
Sorry.
At kahit hindi mababawi ng mga sorry na ito ang sakit na dulot sa’yo. Sorry, sana dumating ang panahon na maghilom din ang lahat ng ito para sa’yo.
At salamat. Naging parte ka ng buhay ko.
Napanindigan natin kung ano ang meron tayo sa paningin ng iba. Sapat na para mapatunayan natin kung gaano tayo katapang para ipaglaban ang tayo. Hindi man ito umabot hanggang sa finish line.
Hindi biro ang suportang ibinigay mo sa’kin. Minsan, inisip kong hindi ako deserving sa lahat ng yun pero hindi ka napagod at nagdalawang-isip. Salamat.
Salamat sa pagiging mabuting kaibigan at kapartner. Salamat sa mga araw na puno ng kalokohan, kulitan at sakit sa tyan na katatawanan.
Salamat sa lahat ng natutunan ko sa’yo at sa mga bagay na pareho nating tinuklas.
Salamat sa pagiging totoong ikaw na hindi alam ng karamihan sa mga taong nakakakilala sa’yo.
Salamat sa umaapaw na pagmamahal.
Salamat kasi tinanggap mo ang lahat ng kakulangan ko. At mahalin ang mga taong mahal ko.
Salamat dahil nakilala kita. At sa mga panahong magkasama tayo naging magaan at makabuluhan ang buhay sa kabila ng lahat ng mga hinarap natin.
Maraming salamat.
Pero ito na marahil ang tamang panahon para magpaalam na ako.
Kapag naghiwalay ang dalawang tao, hindi naman ganun kabilis mawala ang lahat-lahat. Pero darating ang araw na magiging malaya ka na sa mga alaala. Sa lahat ng mga bagay na pilit mong binibitbit sa pagtuloy ng buhay.
Nagpapaalam na ko sa mga kahapon. Sa’yo. At sa lahat ng mga alaala. Karapatan nating lumigaya. At maging masaya sa mga araw pang darating na hindi na tayo ang magkasama.
Hindi man tayo nagtagumpay, naging makulay din naman ang buhay na pinagsamahan natin at higit sa lahat, kahit sa isang pagkakataon na ‘yon, naging tayo. Wala akong pinagsisihan mula umpisa hanggang sa huli. Ito na marahil ang nakatakda para sa atin. Mag-iingat ka palagi.
“Hindi lahat ng pag-iwas ay pagsisimula ng paglimot…may mga bagay lang na dapat pagsanayan muna bago tuluyang iwanan.”