Paalam…

Isa na siguro sa pinakamahalagang bagay nagawa ko ay ang mabuo ang blog na ito. Nagsimula lang sa lokohan ng barkada at bunga ng mga walang magawa kapag walang pasok. Dito madalas nauuwi ang ilang pangyayari kahapon at nung isang araw lalo na pag may katatawanang nangyari at mga events na indi pwedeng palampasin.

Mula sa umpisa hanggang sa matapos. Naghiwalay. Nakabuo ng bagong samahan. Nalipat kung saan-saan. Hanggang sa muling pagkikita.

Mula sa kalokohan na naging makabuluhan.

Meron palang seryosong side si Aling Baby. Malalim pala siya at minsan nasosobrahan na sa pag-iisip at paghihimay-himay ng buhay. Bagay na indi niya alam na meron siya. Isang malaking tulong ang pagkakaroon ng lugar kung saan pwede mong ibahagi ang konting nalalaman at pasasalamat sa iilang sumabay at umalalay para ipagpatuloy ang nasimulan.

At sa pagkakataong ito, sa pagsasara ng ikatlong taon ni Aling Baby sa mundo ng wordpress…

Nagpapasalamat ako sa lahat ng mga nakibasa, nakibahagi ng nalalaman, at mga walang sawang sumusuporta.

Magsasara na po ang Tindahan ni Aling Baby.

Babalik siguro ako sa ibang pagkakataon at siguradong ia-update ko kayo kung makakabalik man ulit at kung saan mapapadpad.

Maraming, maraming, maraming Salamat po sa inyong lahat!!!

 

Advertisements

Kaya mo ‘yan…

Kapag may isang taong malapit sa’yo na may pinagdadaanan, minsan maiisip mong itulong ay ang rumelyebo para sa kanya nang makapahinga naman.

Kung pwede lang sana.

Kaso minsan, may sarili ka ring problema na kailangang harapin kaya kahit na gusto mong makatulong, indi mo rin maibibigay ang sandaang porshento ng makakaya mo para ayusin ito.

May mga problema kasing indi natutumbasan ng halaga. Tipong kung marami ka lang pera…solb na agad ang problema. Kasi kung ganun ito kahalaga, bakit may mga taong maraming pera na indi pa rin masaya?

Minsan mas gusto mo nang isipin na pera na lang sana ang laging problema, kasi may paraan naman. May makukunan. Pwedeng pagtrabahu-han. Pwedeng may hiraman. Mas ok na yon kasi calculator lang ang katulong mo mag-isip.

Eh pano na lang kung bigat ng loob ang problema? Yung dinadala ng isip. Yung rason ng ilang gabing may LQ kayo ni antok. Yung bigat na makakapagpatulala sa’yo sa kawalan.

Yan ang mahirap kalaban.

Kung minsan, kahit lumalaban ka naman, parang wala pa ring saysay. Walang natatapos. Parang lalo pang nadadagdagan.

Kung totoo ang sabi nila na hayaan mo lang ito at lilipas din, bakit hanggang ngayon puyat ka pa rin?

Kung totoo rin na kailangan mo itong harapin, bakit may bigat pa rin?

Habang umaasa ka na darating ang araw na babalik din sa normal ang buhay mo, lalo pa itong nag-oovertime at nananadya.

Gustung-gusto mo nang kumawala.

Gustung-gusto mo na mag-move on.

Gustung-gusto mo nang ibalik ang dating ikaw pero puro lang ito paasa.

Kailan ba natatapos ang ganitong yugto sa buhay mo? Minsan, nirereklamo mo nang pagod ka na pero ayaw mo naman huminto. May parte sa’yo na gusto pang lumaban habang may iba na umaayaw na. Kelan ba sila magkakaisa ng gusto para buong-buo na ang pananahimik ng isip mo?

Kailan ba nila matatanggap na isinuko mo na ang laban mo?

Sapat na ba ang desisyon na umayaw na ang isip mo para sumunod na ang ibang parte ng katawan mo para sumang-ayon dito? O minsan, dinadahilan mo lang ito para matakpan ang totoong rason kung bakit ayaw mo pa rin huminto.

Sabi nga nila, ang pag-move on ay indi lang basta ginagawa dahil kailangan. Ginagawa ito dahil sa wakas alam mo na handa ka nang simulan ito and there’s no turning back. Kaya mo na at wala nang pwedeng maging rason para balikan. Kailangan mo nang ituloy ang buhay kase matagal ka nang natengga. Kailangan mo nang ituloy ang byahe nang wala ito. Bagong simula at mas matibay na.

Pero kahit pa. Mahirap talaga kalaban ang indi nakikita lalo pa’t alam na alam nito kung saan ka pinakamahina. Kung kaya mo lang siya sapakin o di kaya ipabugbog. Yun nga eh, bugbog sarado ka na’t lahat, di pa rin matapos-tapos. Parang gusto nito kunin pati ang natitira mo pang pag-asa na magiging maayos na ang lahat. Parang wala nang katapusan.

Sa pagkakataong tulad nito, lagi ka na lang napapatanong kung kelan ba ang last episode. “Please lang tamaaa naaahh!!” – – yan ganyan. Minsan din, di sapat yung umaayaw. Kapag naintindihan mo na ang mga bagay-bagay at natanggap na ang kasunod nito ay ang ilang sakripisyo na bumitiw sa mga bagay na pilit gustong isama sa pag-move on. Kasi katulad ng ilang palabas na natatapos, ito rin ang kailangang mangyari para sa wakas, maging ok na ang lahat.

 

‘Kekelam ka na naman..

Human nature na nga na matatawag ang mangelam ng buhay ng may buhay. The more buhay to mock, the merrier. Or kahit siguro mamintas ng simpleng bagay na nakikita natin sa iba. Lahat meron tayong nasasabi lalo na pag indi natin mashado gusto ang taong iyon.

O, baka naman dala na lang talaga ng inggit.

Inggitero/a, Pakialamero/a, Mahadero/a, Chismoso/a, Kontrapelo/a, Intrimidito/a…at marami pang iba. Depende kung ano’ng klaseng pamemerwisyo ang ginagawa ng mga ito sa buhay ng iba.

Minsan sa mga buhay natin, merong mga nilalang na sadyang magpapahirap sa’yo. Mga taong gagawin ang lahat, mapabagsak ka lamang. AT inding-indi sila titigil hangga’t indi sila nakukuntento sa nangyari na sa’yo.

Ewan ko ba. Kung bakit may mga taong nagsasayang ng panahon para gumanti at maghiganti sa mga taong nagkaron ng atraso sa kanila. Minsan nga, kahit wala ka namang ginawang masama, ikaw ang trip na trip i-powertrip. Para bang may mali sa ‘yo na gusto niyang itama sa pamamagitan ng pagpapahirap sa’yo.

Ganun naman talaga, pero sana rin naman…walang seryosohan. As in dahil lang sa inggit, magagalit na. Gagawa na ng indi maganda. Sisiraan na yung tao. Pagchi-chismisan. Wag ganun.

Minsan lang talaga, kinakailangan ang mga katulad nila para matutong mamili ng mga taong mapagkakatiwalaan. Isa pa, para maging mas matibay ang loob sa mga katulad nila na isipin na lang isa lang  silang malaking hump bago marating ang sakses. Sila ang spice ng buhay natin. Kung bakit nagiging mas matalino tayo sa pagdiskarte at maging handa sa mas malalaki pang humps na dadating. O, diba para sa susunod, tatalon-talunin na lang sila.

Para sa mga napagti-tripan: Mas maganda siguro na wag na lang pansinin ang mga ito kasi alam naman natin na indi rin tatagal ng habambuhay ang paninira na gagawin nila (kasi di naman sila mabubuhay habambuhay…). Magsasawa rin ang mga ito at tuluyan nang titigil lalo na pag wala namang nangyayari sa pang-iinis. Sayang lang sa effort. Ipagdasal na lang sila na maliwanagan ang mga malabong pag-iisip at intindihin ang mas importante pang bagay kesa pag-aksayahan ng panahon ang pag-iisip sa’yo.

Para sa mga nagti-trip: Kung di maiiwasan ang magpahirap, hayaan na lang na ang karma ang dumating para matigil na. Kung ayaw na mangyari sa inyo ang mga ganitong bagay, may choice naman para gawin ang tama. Yun lang.

Di naman palaging madali gawin ang tama, yun ang totoo. Pero hindi ito lehitimong rason para hindi sumubok. Kunsabagay, kanya-kanyang choice lang naman yan. Weder-weder lang ang bad days. Kung ngayon ok ka, bukas di rin natin alam….

Haaayy…Kuya.

Hindi ko alam kung sadyang mabilis lang ako mainis nitong mga nakaraang araw o makulit lang talaga ang mga tao sa paligid ko.

Pakiramdam ko kasi araw-araw nagle-level up ang kulit nila. Nakakainis!

Tao lang ako at aminadong maiksi ang pasensya sa mga ganyan. At sa abot ng makakaya ko, pinipilit kong pahabain na mas mahaba pa sa buhok ni Rapunzel ang pasensya ko.

Kayo nang lumugar sa posisyon ko.

Umaga palang boses na ni Kuya ang naririnig ko. Indi pa ‘ko nakakaupo at nakakabukas ng PC, kasunod ko na siya para sirain pagandahin ang umaga ko.

Kung susumahin ko lang kung ilang beses siyang tumatawag sa’kin sa isang araw, para na akong call center agent at siya ang nag-iisang kostumer ko. (jusko naman talaga…)

Ayoko talaga mainis.

At ayoko rin na magsimula at matapos ang araw ko na nangangarap ng iba’t-ibang paraan para lang ma-zip ko ang bibig niya sa kakasalita.

Pag naiisip ko siya…

Gusto ko na basagin ang eardrums ko habang nagsasalita siya.

I-unplug ko ang telepono.

Magpanggap na bulag.

Mag-isip ng masasayang bagay pag nakikipag-usap ako sa kanya.

Isipin ko kaya birthday nia araw-araw para ma-exempt siya sa listahan ko.

Bigyan ko kaya ng Leave Application, baka siya ang stressed sa trabaho.

Kagabi lang iniisip ko kung ano kaya ang pwedeng maging rason para mainis ng sobra….ayan na nga. INIS TO THE MAX – – all in one day.

Ang saya.

Sa sobrang saya, gusto ko na manigaw. Magbasag.

Nakaka stress pala lalo pag naiinis. Promise.

Sana tumigil na siya.

Kasi ang sakit na ng ulo ko.