Wish’

Panlimang beses ko na pala na-selebreyt ang kaarawan ko sa lupain na ito. Ang tagal na pala. At kay bilis ng panahon. Katumbas yata ng limang taon na ‘yon ay doble sa dami ng nangyari sa buhay ko. Para bang sampung taon bigla ang nadagdag sa edad ko.

Indi pa naman ako ganun katanda at oo, ngayon ang eksaktong araw ng kaarawan ko. (Alam ko, indi nyo naman tinanong…sinabi ko lang naman din hehe…)

Sabi ng ni friendship ko, ‘signs of aging’ na daw ang pagsasalita ko ng kung anu-anu tungkol sa buhay. May point naman siya. In fairness soooobrang tagal na rin nung huli naming nakita ang sarili na kinikilig na agad batok palang ni crush ang nakikita. Kung gaano pa kababaw ang kaligayahan at ang mga topic, kumpara ngayon…gigantic. Parang nakaka-haller lang.

Ayun nga. Limang taon. Nasabi ko na ba sa inyo na hate ko ang math? Ayun, kaya ayokong magbilang. Pero kahit ayoko…heto ang mga kalendaryo na ang nagsasabi. Isama mo pa ang pagmamadali ng paglaki ng mga pamangkin ko. Tapos eto, si friend at inuulit-ulit pa talaga sa’kin kagabi habang sinasalubong ang alas dose ng gabi.

Marami na akong naging wish nung nagbirthday ako. Ewan ko ba, pero indi ko na matandaan kung natupad ba ang mga ito o signs na rin ng aging na sadyang indi ko na matandaan talaga kung anu-anu ang mga ito. (Ako: Biglang napaisip ng malalim…)

Ano ba ang madalas na hiling natin? Most of the time naman yung kung ano ang pinaka-pinaka-tu da maks na gusto natin makuha at that same moment. Yung bagay na mahalaga sa’yo (shempre naman..), maging bagay ba ‘yan, tao, or something na may koneksyon sa career at future. Lahat na yata yun naging wish ko na. Ang sarap lang kasi sa pakiramdam na, ‘itong espesyal na araw na ito…meron kang isang hiling na pwedeng matupad. Isang beses sa isang taon…not bad diba?

Pero itong taon na ito, mas excited ako sa wish ko. Indi ko alam kung signs of aging pa rin tulad ng sinabi ni friend sa akin.

Marami akong naiisip, shempre naman pero para sa akin sa ngayon, isa lang pinakaimportante sa buhay ko.

Sina Mama at Papa.

Na sana bigyan pa sila ng mas mahaba at masayang buhay, maayos na kalusugan at sana…sa abot ng makakaya ko, na matupad yung hiling nila kung anuman ‘yon.

Salamat Kuya Jesas, Papa God at Mama Mary sa isa na namang taon sa buhay ko at sa mga blessing. Biyayang Love. Biyayang Pamilya. Biyayang kaibigan. Biyaya na trabaho at maayos na kalusugan. Thanks much talaga.

Looking forward to another fruitful year. Mas marami pang challenges ang malampasan at matutunan.

Advertisements

Kala mo madali, pero indi..

Marami sa atin ang magaling magsabi ng gagawin ng taong namumrublema. Kesho gantuhin mo daw, tapos ganyanin mo. Pag indi pa rin ok, ganunin mo naman…pag indi pa yan talaga umubra.

Parang ang dali no?

Pero indi.

Meron nga nagsabi sa’kin one time…quote ko lang siya ha…

Diba, ang galing mo mag-advice? Bakit hindi mo gamitin sa sarili mo???

Kung ganun lang kadali, di sana ang mga Doktor, indi na nagpapadoktor sa iba kasi kaya naman nila pagalingin ang sarili nila. Operahan perhaps? O kaya, Dentistang bumubunot ng sariling ngipin.

Kala mo lang ganun kadali, pero indi.

Kaya ka nga nagbibigay ng payo sa isang kakilala o kaibigan, kasi alam mo na. Been there, done that. Alam mo rin na indi naging madali ang mga sumunod na pangyayari at nangyayari. Pero alam mo rin na natapos din naman. Matatapos din talaga. Kasi lahat ng simula, may katapusan. Wala namang nagsimula sa huli at natapos sa umpisa. Walang ganun.

Pero kahit na gaano pa karami ang nalalaman mo sa buhay-buhay, indi mo rin naman pwedeng iprisinta ang sarili mo para bigyan ng solusyon ang iba…para ano? Para mabigyan ng comment na, ‘Sarili mo ngang problema, di mo maayos…sa’kin pa kaya??’ O, diba? Nagmalasakit ka na nga, na-judge ka pa ng di oras.

At kahit siguro pakiramdam mo, nasa’yo na ang sagot sa lahat ng tanong… feeling mo lang siguro yun. Lalo na pag sinabihan ka pa ng problemador na, ‘Nasasabi mo lang yan kasi hindi ikaw ang nasa kalagayan ko. Hindi mo alam kung gaano kasakit.’ Mga ganyang linya. Na para talagang designed at intended lang talaga para sa kanya yung pakiramdam na ‘yon. Eh, 3 months ago pareho lang kayo ng naging sitwasyon at yan din ang sinabi mo.

Lahat naman ng tao, yan ang sinasabi pag nahihirapan. Pag may nag-aattempt na tumulong sa problema niya, kailangan ung gravity ng situation kalkulado mo bago ka umopinyon. Pag fresh pa ang nangyari, don’t expect na ma-absorb niya lahat ng sasabihin mo at porket alam mo na at naranasan mo na rin, ipapagawa mo na agad yung mga ginawa mo. Indi nga yun ganun kadali. Kasama sa healing process ang panahon. Kesehodang isa-dalawa-tatlong buwan yan, taon o dekada…kailangan yun at darating din yun.

Depende kasi sa tao yan eh. Sa diskarte. Or kung sila ang tipo ng tao na ayaw mashado mag-isip at mamrublema. Ayaw dibdibin at alagaan ang depression. Minsan nga lang, dahil nga indi pa nila na-release yung pain’, may tendency na bigla silang magbreak-breakdown. Narinig ko kasi sa mga umpukan na hanggang indi mo pa totally narelease lahat-lahat ng toxins na yan, indi ka pa rin makaka-move on. Stuck ka pa rin d’yan. Kahit pa ikaw na ang pinakamagaling mangdedma ng problema sa balat ng lupa. You can run but you can never hide, ‘ika nga. So, just face it and be done with it. (Hehe, parang ganun lang talaga kadali eh. 🙂

Meron nga ba’ng ganung tao? Yung tipong kapag may problema, parang nagkamot lang tapos ok na? Ang alam ko, tayong mga Pinoy ay kilala na kahit sa dami at patong-patong na problema eh nakukuha pang tumawa at magsaya. Yun. Pero yung taong walang iniindang problema, teka…iba na yata ‘yan.

Kaya sa susunod na magprisintang ayusin o tumulong sa problema ng iba, maging sensitive naman at intindihin na lang ang pinagdadaanan nito. Ang totoong kailangan lang naman nila ay yung makikinig sa kanila. Sapat na nga yung alam na nand’yan ka at dadamayan mo siya. Indi naman kailangang idetalye ang mga dapat gawin. Alam niya ang mga dapat gawin, pero indi pa siya ready na simulan ito kaya pagbigyan natin. Darating din yun. Titila din ang ulan at sisikat na rin ulit ang araw.

Habang indi pa, samahan natin siya bilang isang kaibigan. Walang mahirap pag may katuwang.

Kaibigan

Sa iksi ng panahon na nakilala kita, pakiramdam ko ba ang tagal na nating magkakilala. Noon ka pa yata na-introduce sa’kin, nung past life pa natin. At least sa pakiramdam, parang ganun na katagal.

Iba kasi yung koneksyon. Nangyayari naman yata ito kahit kanino. Yung may makilala ka na indi man sa una at pangalawang pagkikita, sa pangatlo, tiyak na ito na nga ang karugtong ng bituka mo sa mga darating na araw at kung papalarin, hanggang sa pagtanda na.

Sa buhay, mahirap makahanap ng totoong katoto. Pag sinabi kong totoo, ito yung literal na totoo ke nakaharap, nakatagilid, nakaupo o nakatalikod ka…alam mong tunay ang sinasabi. At pag may sasabihin, ke masakit ito, wala siyang pakialam dahil ang katwiran niya, siya lang naman ang pwedeng magpamukha sa’yo ng totoo na walang halong masamang intensyon, pawang katotohanan lamang. Kahit minsan tagos sa buto ang mga sinasabi, para bang may bumatok sa’yo ng malakas para matauhan.

Ikaw yun. Salamat sa pagsasabi ng totoo.

Kasama na rin dito ang totoong pagpuri. Pag sinabi kong totoong pagpuri, ito yung compliment na kaswal at walang halong pilitan at inggitan on the side. Minsan magugulat ka na lang na pati ito napapansin din niya. May mga tao na namumuri kasi merong bago sa kanila na dapat punahin. Pangbanda lang yung pagpuri niya sa’yo kasi siya talaga ang highlight’.

Ikaw din yun. Salamat sa mga compliment.

Kahit mas madalas na tahimik ako, alam ko naman na mas marami kang baon palagi. Ikaw yun. Ikaw na. Malungkot at tiyak na may sakit ka kapag wala ang sigla sa bawat kwento mo. At dun palang, alam ko na may something. Dapat pag-usapan.

May mga pagkakataon na kahit indi na ako magsabi, alam mo na agad ang itatanong. Mga bagay na ikinagugulat ko pa rin paminsan-minsan. Aaminin ko, mas madalas sa indi na kapag indi na ako nakasagot sa ilang magkakasunod na pambu-bully mo, ito na ung moment na na-bull’s eye mo na ang sagot at indi na ko makasagot. Yun na yun. Mahirap makahanap ng kapareho mo mag-isip.

Sa lahat siguro ng hebigats issue na napagbrainstorm-an natin, itong sa’yo ang pinakamabigat. Indi araw-araw makakarinig ako ng kwentong tulad ng sa’yo. At alam ko, sa pagkakakilala ko sa’yo, sa lakas ng loob at tapang mo…ang pangyayaring ito – – nilamon ka ng buong-buo.

Kung si Superman, kapag napapalapit sa kryptonite’ ang lahat ng lakas niya nauubos kasama ng pagbagsak niya. Nakita ko ang kryptonite mo at nakita kita. Sana indi na lang totoo. Sana may nagbiro lang at mamaya babawiin na rin.

Pero indi.

Habang nakikita kita na nilalamon ng kahinaan, kahit nandito ako pakiramdam ko wala akong silbi. Indi ko alam kung paano ako makakatulong makabawas sa sakit. Kung pwedeng ako nang iiyak para sa’yo dahil halos maningkit na ang mata mo mula umaga sa kaiiyak. Kung ako man ang nasa posisyon mo at haharap sa katotohanan na ito, indi ko alam kung saan mo nakukuha ang lakas para tanggapin ang lahat. Kasi ako malamang, nahimatay na at indi na makakatayo marinig pa lang ito.

Hanga ako sa’yo. Sa maraming aspeto. Marami na akong naging kadikit kahit noon pa, pero ang samahan natin ay pwede mo nang makita at mabasa sa mga libro. Pwede palang mangyari ang ganun kahit pa ganun lang kaiksi ang panahon ng pagkakakilala natin.

Umaasa ako na malampasan mo ang lahat. Alam ko kaya mo yan. Naniniwala ako sa kakayahan mo at sa lakas ng pananalig mo sa Kanya. Alam ko, indi ka Niya pababayaan.

At sana wag mo ring kalilimutan na nandito pa rin ang pamilya mo…ako…kami, ang mga kaibigan mo na hinding-hindi mawawala sa oras na kailangan mo. Maraming nagmamahal sa’yo. At alam ko, ang mga ito at Siya ang magiging gabay mo para ituloy ang nasimulan.

Labyu ‘te, Be strong.

‘Sabi nila’

Marami tayong gusto na indi pwede. Marami tayong hiling pero indi laging ibinibigay. Maraming kilos na indi matapos-tapos. Maraming kuwit (,) pero nauuwi sa tuldok(.)

Malimit kong makita at mabasa yung sikat na sikat na ‘May tamang oras at panahon ang mga bagay’, mga paalala para sa mga taong nagmamadali at indi makahintay. Payo sa mga mabilis tumakbo. Biro sa mga bumubulusok paitaas. Indi naman daw kailangang magmadali para makuha ito. Ang byahe bago ito makuha ay pwedeng ikumpara sa rollercoaster ride sa peryahan. Nakakakaba sa umpisa. Babaliktad ang sikmura mo sa samu’t saring paikot-ikot nito. At kahit na hilo at sumakit ang katawan mo rito, ang pakiramdam na kakaiba dun ito malalaman sa oras na matapos ang ride.

Sabi nila, may premyo daw ang mga pasensyoso/a. At ang mga taong ito ang siyang nakakamit ang pinakamatamis na tagumpay.

Indi naman kasi biro ang maghintay. Lalo na’t walang kasiguruhan at walang malinaw na sagot sa hinihintay. Diba, sabi nga rin nila, ‘Kung wala ka namang mapapala, wag mo nang pag-aksayahan ng panahon.’ Kaya, bakit pa nga ba? Bakit mo sasayangin ang mga importanteng segundo, minuto at oras mo sa paghihintay sa wala; Eh kung susubok ka naman sa ibang bagay, baka may mas tsansa pa na makamit mo ang hinihintay?

Sabi rin nila, depende daw sa taong naghihintay at umaasa. Kung gaano kaimportante sa kanila ang bagay na ito at kung gaano sila ka-determinadong abutin ang finish line para sa pinakaaasam na tagumpay. Ito ang mga taong indi mo matitinag. Indi mababago ang isip sa gustong abutin. Sila na yata karapat-dapat bigyan ng award.

Pero may mga tao rin na kahit gaano ka-determinado sa mga bagay na gusto niyang maabot, ay sadyang indi nabibigyan ng pagkakataon. Sa kabila ng hirap, kung minsan sa huli – hirap pa rin ang kapalit. Parang ang unfair naman ng ganun diba?

Dun naman papasok ang sabi nilang, ‘Pag indi para sa’yo, kahit ano’ng gawin mo, indi ito magiging sa’yo.

Ang hirap naman nun.

Pano mo nalaman malalamang indi para sa’yo ang isang bagay? Yung not meant to be. Ayaw ni fate at destiny. At lalong indi will ni Kuya Jesas?

Kaninong ‘sabi nila’ malalaman ang sagot dito? Kung ipapayo nila na, ‘Kahit gaano kahirap, wag kang susuko!! Laban kung laban!’  – – Kung indi naman worth it ang ipinaglalaban? Kung yung tao at bagay na ipinaglalaban ang siyang may ayaw at indi naaayon?

Ano ba talaga ang tamang sagot at tamang payo?

Kapag ganito na ba ang sitwasyon, papalitan mo na lang ang gusto mo?

Indi ka man lang susubok ulit?

Tatanggapin mo na lang ba ang sabi nila na, ‘Tama na, sapat na ang ibinigay mo. Kung indi talaga. Ganun talaga.

Aatras ka na. Bagong laban na lang ba ulit?

Ang mainam na sagot kadalasan sa isang sitwasyon ay depende sa kabuuan nito. Wala naman yatang standard na sagot sa problema. Kung ano ang dahilan, kung ano ang naging bunga at kung ano na ang nangyayari – – dun mo pagbasehan. Sakaling ito ay masagot ng naaayon lang.

Siguro dahil na rin sa dami ng ‘sabi nila’ sa buhay na ito, mas maganda na lang sigurong isipin na maging handa na lang tayo sa kung ano ang pwedeng mangyari.

Na masasaktan sa mga indi napakinggang hiling.

Na mamumuti ang mata mo sa paghihintay sa wala.

Na minsan akala mo sa’yo na sabay binawi pa.

Na kahit ano’ng hirap at sakit na sinakripisyo mo para makamit ang isang bagay, kailangan mong tanggapin na indi ito para sa’yo.

Na kailangan nating maging matatag na harapin ang mga bagay at sitwasyon sa buhay natin at indi mawawalan ng pag-asa na darating at darating din ang pagkakataon na makukuha natin ito…

Sa tamang oras at panahon.


Haaayy buhay.

Habang tumatagal, lalong nagiging kumplikado. Indi ko alam kung nagiging matalino ba ang tao sa bawat pagsubok o mas prone sa mas marami pang pagkakamali. Minsan kasi kahit alam na natin ang tama ang counterpart nito na mali, iyon na ang nakatatak sa isip natin. Ang totoo, sa ibang aspeto at ibang anggulo ng sitwasyon itong mga mali na ito ang magtuturo sa’yo ng leksyon para gawin ang tama at nararapat. May ganun talaga. Nangyayari talaga ito sa totoong buhay.

Indi naman nakakasama sa kalusugan ang pakikinig sa mga ‘sabi nila’, aminin natin, nakakatulong din ito sa pagtanggap ng katotohanan na minsan ayaw nating tingnan kasi masakit. But at the end of the day, what matters is what you really want. Yun lang yon. Basta’t kaya mo, goow lang ng goow. Wala namang masama na sumubok. 😉

Ano ba talaga??

Gusto mo naman pero umayaw ka.

Kaya mo naman pero natakot ka.

Nandun ka na umalis ka pa.

Sinimulan mo na huminto ka pa.

Humakbang ka na umatras ka pa.

Napuntahan mo na naligaw ka pa.

Umupo ka na tumayo ka pa.

Kumain ka na gutom ka pa.

Umalis ka na bumalik ka pa.

Tinapon mo na pinulot mo pa.

Nawala mo na hinanap mo pa.

Nagtago ka na nagpakita ka pa.

Tinanggal mo na binalik mo pa.

Kinalimutan mo na inalala mo pa.

Niloko ka na nagpaloko ka pa

Iniwan ka na tinanggap mo pa.

Lumabas ka na pumasok ka pa.

Ginago ka na niyakap mo pa.

Tinulak ka na sinipa ka pa.

Inapakan mo na dinurog mo pa.

Binola ka na kinilig ka pa.

Sinaktan ka na nakangiti ka pa.

Tumigil ka na ayaw ko na!!!

Maraming tanga at martir sa mundo. Minsan ka nang naging tanga at martir…tama na ang isang beses. Sa susunod na lang ulit. At sa tamang tao naman para indi masayang ang pagod at luha.