Protektado: DEKADA

Ang nilalamang ito ay protektado ng password. Upang tingnan ito, mangyaring ilagay ang iyong password sa ibaba:

Advertisements

Ulo + Plastik = suffocate?

 

Anu kayang pakiramdam na may kausap na isang taong may balot ng plastic ang ulo? Maniniwala ka ba sa mga sasabihin nung taong yun habang nasa loob ng plastik ang ulo niya? Kitang-kita mo ang facial movements ng taong yun habang nagsasalita siya. Kung indi ka marunong bumasa, mapapaniwala ka niya na ang mga sinasabi niya ay pawang katotohanan at walang bahid ng pagkukunwari. Kung ikaw ang tipo na nadadala sa konting ngiti at pakyut, baka ikaw pa ang tumayong abugado niya laban sa mga taong indi naniniwala sa kanya.

Bakit nga ba nagkakaron ng plastic ang ulo natin? Ang totoo nyan mga pre, indi ko rin alam. Nagulat nga ako kasi meron palang ganun. Pero sa aking sariling obserbasyon, lahat ng tao at sa iba-ibang pagkakataon…pwedeng magkaron ng plastic sa ulo. Ito kasi yung mga tinatawag nilang katotohanan na itinitago sa loob ng plastic sa tulong ng mga ulo natin. Pwede kang ngumiti, magpakita na okay lang kahit na nilalagnat at kinukumbulsyon ka na pala; passive lang at hangga’t maaari, ayaw mong kakitaan ng mga bagay ng pwedeng ibato sa’yo. Pag ganun ka na, mamahaling plastic na talaga ang nakabalot sa ulo mo. Yung konti na lang, ga-helmet na ito.

Anu ba ang advantage at disadvanatage ng may ganto?

Unahin natin ang advantages:

  • Shempre, kung master mo na ito…madali na lang ipakita sa iba na sa lahat ng bagay at pangyayari sa buhay mo e pawang okay sa olrayt lang talaga. Kaya indi na sila mag-aalala sa kung anuman ang mangyari sa’yo kasi nga diba kakasabi mo lang, “Okay ka?”
  • Feeling nung taong kausap mo, close na kayo base sa mga inaasal mo na okay sa olrayt. Na kahit na anung gawin niya ke masama o indi. Baka nga tumambling pa siya na kahit kasalanan niya e ikaw pa ang mag-sorry sa kanya.
  • Dahil sa impresyon na naipakita mo sa mga ka-“close” mo, madali na lang para sa’yo ang mag-open up ng mga personal na bagay na dahil sa mabait ka, mahihiya sila na indi sumang-ayon sa mga sasabihin mo which is true. (hehe)
  • Madali humingi ng pabor sa kanila na amshur e indi ka talaga matatanggihan.
  • Sa mga isyu at mabibigat na sitwasyon na pwede mong kasangkutan, madali kang ma-abswelto. (Isn’t it fun to have this plastic on your head?)

Ang mga disadvantage naman ng pagkakaroon nito bukod sa masu-suffocate ka ay ang mga sumusunod:

  • Dahilan nga sa okay sa olrayt ka sa paningin ng lahat, kapag nagkaron ka ng problema…ang hirap mag-open up ng negative thoughts sa kanila kasi indi yun ang pagkakakilala nila sa’yo. Pangit naman na makikitaan ka ng negative side. Kaya ang siste, nasasaktan ka na pero naka-smile ka pa rin. (Ipa-tattoo mo na kaya yung smile sa face mo para indi ka na mahirapan.)
  • At sa mga feeling ka-“close” mo, kapag inabuso ka nila…ang hirap magsabi out right ng nararamdaman mo. Kaya kahit na gustu mo na tumanggi, indi mo magawa kasi ayaw mo rin mabahiran ng dumi yung plastic sa ulo mo.
  • Sa pag-oopen up mo sa kanila ng mga bagay-bagay, mas nakikita nila ang personalidad mo. Na kaya ka pala mabait sa kanila ay para makiayon sa’yo kahit na wala na sa lugar.
  • Okay lang yung humingi ng pabor sa iba, lalo na kung kailangan. Pero kung ikaw ang tipo na nagiging mabait lang sa oras na may kailangan e ibang usapan na ‘yon. Indi sa lahat ng oras ay pwede ang mga taong ito para sa iilang kapritso mo at kapag wala ka nang kailangan, para na rin silang mga lumang damit na itinatambak mo na sa storage at worse kung ibebenta mo pa.
  • May mga isyu na pwedeng lusutan at indi rin porket “mabait” ka e makukuha mo ang sang-ayon ng lahat. Sa totoong buhay, may dapat bumaba at umamin ng pagkakamali. Walang exception dito.

Minsan, mas mabuti pang tanggalin na lang natin yung plastic na yan sa mga ulo natin para makita at marinig ng malinaw ang mga bagay na pilit nating iniiwasan. Indi solusyon ang pagiging passive o pagiging mabait sa lahat ng oras. Kung kinakailangang sumigaw, gawin natin ito. Wag natin itago at paniwalain ang iba at ang mga sarili natin na perpekto ang mundo dahil ang mundo na mismo ay umaamin ng imperfections nito. Mas magandang gumising sa umaga na magaan ang dinadala at walang bigat sa isipan. Kahit na magulo ang paligid, makikita at makikita mo pa rin ang kahalagahan ng bawat isa.

Minsan lang sa buhay natin dadaan ang mga taong pwede nating ituring na malapit sa puso natin at kung hahayaan natin silang mawala, siguro nga may mas mabigat na dahilan kung bakit.

Sometimes it seems like we’re all living in some kind of prison, and the crime is how much we hate ourselves. It’s good to get really dressed up once in a while and admit the truth — that when you look really closely, people are so strange and so complicated that they’re actually beautiful. Possibly even me.

 

May balat (birth mark) ka ba….doon??

 

Sabi nga nila, pag dinapuan ka ng malas — sa ayaw at sa gustu mo….babagyuhin ka nito – big time! Kung ikaw ang nasa sitwasyon, mapapa-amp ka na lang ng paulit-ulit habang napapangisi’t pailing-iling na iniisa-isa ang masaganang araw ng kamalasan.

Gustuhin mang sumakit ng ulo mo, busy naman siya sa pagtatrabaho sa opisina. Wala kang ibang choice kundi i-absorb ang kung anumang ang nakahain sayo para sa araw na ‘yon.

Papano pa kaya kung malaman mong sa tinagal-tagal mo sa mundo, indi mo alam na meron ka palang balat slash (/) nunal sa sa iyung puwitan na matagal nang nakaprente dito nang di mo namamalayan? Sa ilang sunud-sunod na araw na pinuputakte ka ng kamalasan e naisipan mo itung i-check kung meron nga.

At nang itapat mo ang salamin sa dako paroon…..

Na-shak ka sa nakita!

Meron nga. Kaya pala.

Bakit kaya ang basehan sa pagiging malas ay ang pagkakaron ng balat? At sa dinami-dami ng pwestong pwedeng pag-isipan na kamalas-malas eh puwet pa??! Sinu na naman ba ang nagpauso nito? Kunsabagay, kung isang grupo kayo na na-trapik, nasiraan ang sinasakyan, binagyo, may nawalang gamit, o kung anuman na pwedeng isiping minalas…shempre nga naman kung ikaw man yung taong may balat sa puwet, pwedeng-pwede mong i-deny ito dahil sinu ba naman ang taong gagawin to check all your friend’s asses just to prove na meron ngang balat na malas sa mga ito? At kung sakali na makita niya nga, would it make any difference? Matatanggal ba niya ang curse of the balat-sa-puwet? I don’t think so.

Wala akong balat doon…mo-le na malaki meron (haha) at sa tingin ko naman ay indi ako malas. Na-realize ko lang na kapag meron kang balat doon….malas ka dahil ikaw ang magiging tampulan ng tuksuhan at pang-aasar.

Eksheli my friends, walang taong malas. May mga sitwasyon at pangyayari lang na sadyang nangyayari kasi it is meant to happen o kung badtrip ka talaga sa nangyari…isipin mo na lang na:

“Sabi ni Kuya Jesus, kailangang malasin ka ngayong araw na ‘to.”

Kaya next time na may lakad ka at na-late ka dahil sa traffic…indi ka malas, sadyang mabagal ka lang kumilos o kaya e indi ka naniniwala sa word na punctual. Kung iisipin nating maigi ang pangyayari, mari-realize natin na merong mali pero ayaw nating tanggapin na tayo yun kung kaya sinasabing si malas ang may kasalanan. Si malas na walang kamalay-malay. Patawarin nyo na siya dahil wala siyang kinalaman sa mga nangyayari sa pang-araw-araw na buhay natin.

At para sa ating may mga balat slash (/) nunal doon….smile 🙂 na kayo dahil indi totoong tayo ang malas sa mundo. Baka sila haha. 😆

Matulog ka naman…!

 

Hirap ka ba makatulog?

Yung tipong nakahiga ka na pero paikot-ikot ka pa rin sa kama para makuha ang saktong pwesto para makatulog?

Malamang may insomnia ka di kaya?

Kung ganun…pareho pala tayo.

Pag tinanong mo ang karamihan kung bakit indi ka makatulog, madalas na sagot ay meron daw kasing nag-iisip sa’yo. Pambihira naman yung nag-iisip na yon…ikaw na walang balak magpuyat e idadamay ka pa sa pagpupuyat niya. Eh panu pa kaya kung nasa ibang kontinente ang umiisip sa’yo? Shempre iba ang oras dun, kung umaga dun eh di yari kang talaga.

Matagal ko nang problema ang pagiging insomniac. Hayskul pa lang ako nang simulan kong gawing umaga ang gabi. Wala pang cable nun pero may telepono na kami. Tuwing gabi, lalo na pag biyernes at pag tulog na sina Aling Merle at Mang Lino pati na ang kuya kong mabait…hudyat na para magbabad na sa telepono

hanggang madaling araw. Kausap ang mga kaibigan, kaklase o kaya barkada slash (/) kapitbahay namin. Hindi antok ang sign para tumigil ako. Titigil lang ako pag nagising si mama para mag-cr, pag dumating ang kuya ko galing sa galaan at pag naubos na ang boses ko kakasalita ng mahina. Kailangang mamaos pako para lang makumbinse ko ang sarili ko na it’s time to let go.

Minsan pag walang available na magpuyat para makipagtelebabad sa’kin, nagko-crossline ako.

14 y/o palang ako nang matutong mag-crossline. Nung sinisimulan pa lang tanggalin ang mga six (6) digits telephone number, yung iba sa mga ito kapag tinawagan mo nakakapasok ang halos benteng caller sa line na yon at pwede silang mag-usap ng sabay-sabay pero tatagal lang sila sa linya ng maximum 10 minutes kailangang tumawag ka ulit para makapasok…yon eh kung magaling kang mag-redial. Ang mga taong nasa linya pwedeng ibato o ibigay ang direct numbers nila sa line sa mga nanghihingi pero kadalasan sa dami ng tao sa line, yung iba dito naka-monitor lang ibig sabihin nakikinig lang sila at minsan nakikipag-unahan sa pagtawag sa mga nagbato ng direct numbers. Para makilala ka, meron ka dapat code o nick pag nasa line ka. Dati, madalas ko marinig yung Rivermaya, Paraluman, Redial, Sweet honesty, Naghahanap, Naglalakad, Diwata, Hershey, Kulit, Romeo, Florante, Equalizer at kung anu-anu pa. Isisigaw mo ang mga code na ito sa pinaka-kakaibang paraan para mapansin ka ng ibang liner (tawag sa mga crossliner). Pwede kang magtano ng edad, at lokasyon. Pag feel mo ang boses, pwede mong hingin ang number (kung ibibigay) para tawagan. Kung ayaw mo naman makipag-direct line, pwedeng mangulit ka lang dun at mang-asar ng ibang liner. Umabot ng 100 liners ang nakausap ko nung mga panahon na yon. Gumawa ako ng maliit (literal na maliit ha) na phonebook exclusively for liners, remembrance man lang diba? Kaso yung kuya ko at ang kaibigan niya, nangungulit na magbigay ako ng number para may makausap sila and that’s the last time I saw that phonebook, ewan ko kung anung ginawa nila dun. Halos 3 months yata akong naadik dun tapos nabalitaan ko rin na indi na rin nagana yung mga crosslines na alam ko.

Nung nawala na yung crossline, may insomnia pa rin ako. Nagsimula naman akong magbasa ng magazines at pocketbooks pag gabi.

Buti nga sana kung aantukin ako sa pagbabasa kaso mo, indi ko rin tinitigilan hangga’t indi ko natatapos kasi shempre nakakabitin naman diba? Kung pwede ko namang tapusin nang gabi na yon why do I have to put it off? Ayun, halos mag-hello na sa kin ang haring araw bago ko pa pipilitin ang sarili ko na matulog.

Nung natapos ko nang basahin ang mga libro at magazines. Sinimulan ko namang magsulat.

Isang nobela (kala mo naman pang-best seller ang datingan). Gamit ang paborito kong parker pen at ang tinahing Blue feather notebook…ayun, paganahin ang imahinasyon sa madaling araw. Panalo sa concentration dahil tahimik at tanging radio lang ang naririnig ko. Ang mahirap sa pagsusulat lalo na sa case ko na ballpen ang gamit ko at walang available na liquid paper…pag sinulat ko na, wala nang bawian. Bawal magbago ng isip. Pag nagkamali ako, kailangang i-adjust ang lahat ng mangyayari. Ang saya sana kung applicable sa totoong buhay (hehe). Pero mahirap din lalo na pag ikaw ang actor, director, writer, editor pati  PA at lahat-lahat na. Buti na lang walang timeline at hawak ko ang schedule ng shooting. Pwedeng mag-primadonna kasi ako rin naman ang sasakit ang ulo sa gagawin ko hehe. In fairness sakin, may natapos naman ako sa mga sinimulan kong kwento. Indi nga lang talaga ganun kaganda kalakas ang loob ko na ipa-publish pero sabi nga nila, pwede na pagchagaang basahin pag walang magawa.

Nung nagsawa na ko sa pagsusulat, saka ko na sinimulan ang pagmi-mission impossible.

I love challenges. Hetong magkakabit na ako ng sariling linya ng telepono ko kesa magbayad pa sa lineman ng PLDT para magpakabit ng extension. Okay lang magbayad eh, ang tanong kung pumayag ba naman sina mama kaso indi rin. 16 y/o na ko nun, palagay ko e kaya ko na mag-decide para sa sarili ko (hehe) kaya napagpasyahan kong magkabit ng telepono sa kwarto ko. Kasi kung sa sala ako gagamit ng phone mas malaki ang posibilidad ng mahuli ako ng nanay ko. Dahil pinag-isipang mabuti, dalawang koneksyon ang ginawa ko, kung sakaling mahuli yung isa diba? Ayun nga, back to telebabad-days na naman ako. Buti nga may nakakatagal talagang makipagwentuhan sakin hanggang umaga.

Pinamanahan naman ako ni papa ng TV. Kasing edad ko na pero wag ka, may cable naman…

ayun, dun naman ako naadik. Minsan, kabisado ko pa ang schedule ng paborito kong palabas, inaabot ng madaling araw kakanood. Medyo nagpahinga ako sa pagtetelepono nung pinutol nga ng mga alagad ng batas ang linya ko.

Nung nagta-trabaho na medyo nabawasan (indi pa rin naalis) ang insomya ko. Inuumaga pa rin ako sa kakanood pero indi na landline ang hawak ko sa pagtetelebabad…kundi ang suncellular ko na may call and text unlimited.

 Nag-postpaid pa talaga ako para tuloy-tuloy lang ang saya diba? Nung mga panahon na yon, may landline na ko courtesy of my tatay…pinilit-pilit pako na magkabit ng telepono kasi nga madalas silang wala sa bahay. Nagpakahirap pako dati yun pala papayag din sila…after eight (8) years nga lang.

Shempre may work na ko, kaya napalitan ko na ang TV ko na kasing-edad ko. Ayun, nagbibili naman ako ng dvd at vcd kaya parang lalong na-tolerate lang ang pagpupuyat ko.

HR pa naman ako sa kumpanyang pinapasukan ko…lagi naman akong late hehe.

Nung napa-Dubai na ko, medyo nawala ang insomnia ko lalo na nung adjusting period. Walang dibersyon kaya walang choice kundi itulog ang pagiging homesick at pagkainip. Lalo na pag halos lahat ng kasama mo sa bahay ay mga indi sanay sa puyatan. Nakakalungkot kaya yun. Ilang buwan din nagnormalize ang body clock ko. Ang sarap pala ng feeling ng inaantok ng alas nuwebe o kaya alas diyes tapos makakabangon ka ng maaga nang indi na humihingi pa ng ilang minuto. Nakakawala ng eye bags at masigla sa pakiramdam indi yung laging pagod at antok sa trabaho.

Laging paalala sakin ni mama na balang-araw sisingilin tayo ng ating mga katawan sa mga pinaggagagawa natin sa kanila. Shempre pag bata pa parang weirdong-weirdo ang dating ng mga sinasabi ng magulang natin but as we mature, pag medyo sumakit ng onti ang likod at binti sasabihin natin, “shet, matanda na ‘ko.” Naniningil na ng mga pautang ang katawan natin (hehe creepy).

Kaso nga lang, shempre pag nasanay na ang sistema mo sa environment. Pag nagkapalagayan na kayu ng loob ng weather at lifestyle…magiging komportable ka na naman. At home na at home ka na. Lalo pa’t meron ka na namang TV, cable, mga kasabay sa puyatan at ang indi mo matatanggihang Internet connection…what more could you ask for?

Insomniac pa rin ako. Kung noon, parang astigin ang dating pag sasabihin mong may insomya ka. Ngayon, kahit pakiramdam mo astig ka…sakit naman ng ulo mo sa kakulangan sa tulog. May gamot ba dito? Nakakapagod na rin ang sobrang puyat. Shempre, indi naman tayo bata poreber diba?

 

 

LOLs!

 

Pinapanood sa ‘min ito ni Macky (little bro ni Joycee) at sa totoo lang, indi kami natawa….SOOOOOBRANG tawa ng tawa lang naman sa video na ito by Rayv3n. Plis lang, wag nyo itong panoorin pag nasa office kayo dahil indi ko mapapangako na indi kayu matatawa ng malakas pag napanood nyo ito. 😆

Enjoy!

Ni-LINTA!

Sa lahat ng nakakainis sa mundo, ito pa yung mga walang kwentang pag-aksayahan ng oras. Ito ang mga bagay na pag mashado mong tinutukan, uubusin lang nito ang natitira mong bait sa sarili pati na ang natitirang respeto mo sa bagay at tao na yon.

Marami na akong nakasalamuhang ganto. Likas silang mababait —lalung-lalo na kung kaninu nila dapat ipakita ang kabaitan nila. Yung iba na walang wenta para sa kanila, dadaan-daanan lang nila ito at indi na iintindihin kesehoda kung anu ang isipin ng mga ito sa kanya. Motivated lang sila sa kanilang target. Wala nang iba pang mahalaga sa kanila kundi yung target.

Kung pakapalan lang ng mukha ang pag-uusapan…ito ang puhunan nila sa buhay. Tindi ng sikmura?? Wala yan piece of cake. Iba pa rin sa pakiramdam na makita mo ang fruit of labor na indi mo na kailangang paghirapan kasi kusa na itong lumalapit, aabutin mo na lang. Indi naman siguro mahirap yung i-stretch mo na lang ang braso mo para abutin ito at saka ka na prumente sa buhay.

Ang mga taong ito, sadyang napakakulay ng buhay. Kung karaniwang tao ka lang na sumusugal, naghihirap maabot ang pangarap, lumalaban ng patas….ang tingin mo sa mga ito ay pawang mga taong-linta o mga kalawang sa bakal. Mala-rocket ang pagbulusok, asahan mong pabulusok din ang bagsak nito!

Sa buhay natin, napakaimposibleng walang mga taong-linta. Kasama natin yan sa araw-araw. Pampataas ng blood pressure. Nakakasukang tingnan lalo na pag kasama mo pa minu-minuto, indi ka man lang pagpahingahin sa buong araw na pagod sa trabaho. Para itong Fear Factor. Patigasan ng sikmura. Hangga’t kaya mo pa…sige lang tuloy lang, sayang ang premyo at ang prestige of winning. Shempre talo ka sa mga ito kasi sa tigas ng mga sikmura ng mga ito, kulang na lang eh ikaw na mismo ang mag-abot sa kanya ng premyo niya, nakakaawa naman kasi pahihirapan mo pa.

Ang iba naman sa mga ito, nag-effort ka na nga na maintindihan sila…imbes na maging thankful – – -aabusuhin ka pa. Para bang isang laro lang ang sitwasyon. Minsan naman imbes na mashado silang naka-focus sa paghigop, try kaya nila basahin at tingnan ang sitwasyon as a whole. Malamang may makuha siyang matinong sagot sa mga tanong nila.

Walang problemang walang pinagmulan. At indi porket pakiramdam nila okay sila e totoong okay na nga ang lahat. Minsan, subukan nilang yumuko para makita nilang yung mga taong “gustu” nilang umintindi sa kanila eh andun pala sa paanan nila at masayang tapak-tapak lang naman nila. Ang saya-saya diba?

Kung talagang gustung maiayos ang isang sitwasyon, makakaisip ka ng solusyon para rito. If you’re indifferent, then there’s no solution at all. Parang ang buong mundo, sobrang laki nito at kayu lang ang nandun. Wala na kayung ibang nakikita at naririnig.

Masaya ka ngayon kasi lutang ka pa.

You and me against the world ang drama.

Sana nga wala ng drama.

Kasi walang bumagsak na indi nabukulan at nasaktan.

At sana kung sa pagbagsak mo, mas matibay at mas matatag ka na.

Dahil sa mga pagkakataon na sasabihin mong indi mo na kaya….

Sana silang mga tapak-tapak mo ay dumamay pa rin sa’yo.

In the end

 

Mabilis ka bang tumakbo?

 

Ikaw ba yung tipo ng tao na kapag nahaharap sa isang sitwasyon, kesa maipit e mas pipiliin  pang tumakbo palayo?

Kung palatakbo kang tao, simbilis ka ba naman ni Lydia De Vega? Sinisigurado mo bang indi ka aabutan nito?

Eh panu kung maabutan ka nito, alam mo ba kung panu mo ipagtatanggol ang sarili mo? Kaya mo bang itayo ang sarili at ipamukha sa kanya na indi ka talaga natatakot at tinatamad ka lang harapin siya pero when in fact nanginginig ka na sa maaaring idulot ng paghaharap ninyo at sa buhay mo?

 

 

 

Indi ako palatakbong tao. Indi rin ako tinatamad na harapin ang pang-araw-araw na hamon ng buhay. Pero pag hinihingi ng pagkakataon….sumasakay ako ng eroplano para mahirap maabutan o kaya pag nakorner na ko tatapatin ko na lang ito at itatapon sa kanya ang white flag ko.

Minsan kasi pag ayoko nang makipagtalo, ititikom ko na lang ang bibig ko at wala ka nang maririnig sa akin. WALA NA.


 

Madali lang ako kausap.

Ayoko ng maraming girgir.

Maraming bagay sa mundo na mahirap makuha. Tulad ng pagtanggap. Pang-unawa. Kadalasan kung kanino mo pa ipinagtitiwala ang sarili, ito pa ang indi mo makuhang makaunawa sa’yo.

Sinu ka ba naman para mamili ng ibabato sa’yo ng tadhana? Lahat tayo ay pawang mga tagasalo ng mga ito — taga-pasan. Ang nakakatawa pa dun, indi mo ito pwedeng ipasalo sa iba kasi accurate si Bossing. Asintado siya. Kapag sumalo ka pa ng papikit, mas masakit ang tama sa’yo kaya mas maganda kung handa ka na.

 

 

Kung meron man akong tatanggalin at ipa-o-overhaul sa sarili ko….iyon ay yung pagiging mashadong concern. Too much concern is harmful to your health…it will kill you eventually. Nung nagsabog si Bossing ng concern…wala pa ko tulog nun kaya nasalo ko silang lahat. Sana man lang konti lang ang nakuha ko para laging chill lang ako.

Sa sitwasyon na binato sakin, umayaw ako pero indi umubra. Ginawa ko na ang lahat ng makakaya ko.

Pero suko na ko.

 

Ngayon palang siguro ako tatakbo palayo. Ngayon ko palang malalaman kung talagang simbilis ko na si Lydia sa pagtakbo.

But for all its worth, I still hope for the best.

 

Sana mali ang iniisip ko. Sa lahat ng pwedeng mangyari, umaasa pa rin ako na tama sila at ako ang mali. Mas makakabuti yun para sa lahat.

In most cases, giving up is the last thing you have to do to make things right.

And giving up doesn’t mean you’re weak, sometimes it means that you are strong enough to let go.

Pag tiningnan mo ang kabuuan ng sitwasyon sa ibang anggulo mas maintindihan mo ito.

Papunta na ko dun.

Gagawin ko yun para sa mga taong mahalaga sa’kin.