Pag tapos na. Tapos na.

Tulad ng nakararami, guilty rin ako sa paghuhukay ng mga naaagnas nang isyu para ipagpilitan na meron pa itong kaugnayan sa kasalukuyan.

Bakit nga ba? Bakit ba kailangan pang ibangon ang matagal nang patay kahit na wala na itong kinalaman sa nangyayari ngayon?

Dahil ba sa namimiss ko sila para balikan isa-isa na parang journey down to memory lane? Ang kaibahan nga lang, habang hinihimay ko isa-isa, bumabalik din sa alaala ko yung galit at inis na naramdaman ko nung mga panahon na ‘yon.

Ako lang ang talo sa paghuhukay na ginawa ko.

Imbes na isyu lang ngayon ang ayusin, nasama pa yung noon…ayan tuloy, lalo pang lumala.

Kadalasan talaga, ikaw na nagawan ng mali ang malimit mag-ungkat ng mga naaagnas na nakaraan. Shempre, ikaw na. Ikaw na ang di nakagawa ng mali. Pero di nga ba ikaw na rin ang nagsabing ok na? Pero sa tuwing magtatalo naman e yun ang laging una sa listahan. Diba? Bakit kaya di mo na lang hiwalayan ng tuluyan para makalimutan mo na nga ng tuluyan?

Naniniwala naman ako sa “Forgive but never forget” – ako yan eh. Akong-ako yan. Yan ang nakasulat sa noo ko mula nang malaman ko na yan ang makakapagpatahimik sa isip ko. At katulad ng isang linya sa kanta na, “Let’s not bring the past up, anymore…” Diba ganyan naman talaga dapat ang gawin?

Pag tapos na. Tapos na.

Di naman literal na ibig sabihin ng Forgive but never forget e ipaalala mo sa kanya once in a while para di niya makalimutan. Believe me, hinding-hinding-hinding-hindi niya yon makakalimutan at para ipaalala mo pa…yun naman ang mali mo.

Ang pagkakamali na ‘yon, di na kailangan pang imemorize. Kasi pag ibinalik mo sa kanya, para mo na ring kinalabit ang baril…yon nga lang, sa’yo nakatutok. Buhay ka pa? Imbes na maging maayos, ikaw na rin mismo ang gumulo.

Rumarason ka ba na baka kasi isipin niya na nakalimutan mo na ang nangyari at naka-move on ka na sa sakit na naramdaman mo sa ginawa niya? Yun ba?

Shempre hindi niya yon nakakalimutan. Alam niya yon. At alam niyang kapag nagkamali siya ulit kahit sadya o hindi o napagbintangan lang – – ibabalik mo ang nakaraan ng buompuso para ipamukha mo sa kanya. DIBA?

Madali sabihin, mahirap gawin. –pero pwedeng subukan.

Sabi nga nila, pag mahal mo, tatanggapin mo ang imperfections nito kahit ano pa yan. Papatawarin mo pag nagkamali. May iba’t-ibang rason kung bakit nangyayari ang mga bagay-bagay sa mundo. At kung di mo kayang mawala sa’yo ang taong ito, maiintindihan mo. Iintindihin mo kasi gusto mo siyang manatili na kasama mo. Sa buhay mo. Pero kung sa tuwinang kapag nagkakamali siya e parang nanonood siya ng re-runs sa kakadetalye mo sa nangyari, may iba pang paraan. Alam mo na kung ano yon. Ayoko nang ulitin pa.

Nasa atin pa rin ang huling desisyon. Pero sana wag natin i-trial and error ang feelings ng ibang tao. Di naman porket siya ang nagkamali, ok lang na sabihan siya ng hindi rin magagandang bagay dahil sa nagawa niya. Tulad mo, nasaktan din siya sa nangyari. Kaya nga sana, pag tapos na. wag nang ungkatin. Wag na ibalik. Lalo na kung humingi na ng tawad at pipiliting maitama ang mga maling nagawa. Magandang simula na ito para sa lahat.

Dati yon, nung tanga pa ako.

Kung merong mga tao na walang kadala-dala at ang mga bagay-bagay sa buhay nila ay paulit-ulit na lang…

Meron pa ring iba na sukdulan naman ang pagsisisi sa mga nagawa at kung nakakamatay nga lang ang mga ito, malamang duguan na at nakahandusay ang siyang sinisisi nito sa nangyari.

Di tayo powerful enough to undo what has been done. Nanjan na ‘yan eh, nangyari na. Nahulog na ang porkchop at kinain na ni bantay kaya wala ka nang magagawa kundi tumayo at maghanap ng tirang ulam sa ref o di kaya, magluto ka na lang ulit. Ganun talaga e. Yon ang mas maganda kesa maglitanya at manisi at worst, sisihin ang sarili sa nangyari.

Minsan nalilito na ko. Sabi nila, “di maiiwasan kasi aksidente nga. Di mo kontrolado. “Tapos yung iba naman, ipapaalala sa’yo na “walang aksidente kasi nakatakda itong mangyari.

Ano ba talaga?

Sino ba ang tama na mas dapat paniwalaan?

Di mo ba pwedeng isagot na…”tanga lang kasi ako dati.

Lahat naman tayo naging tanga at patuloy na nagiging tanga sa iba’t-ibang rason. Rational man o hindi. Eeee di mo naman pwedeng husgahan ang dahilan ng ibang tao kung bakit nila ginagawa ang isang bagay, sa isang simpleng dahilan na kunwari ako at ikaw…”Hindi ako ikaw. At hindi pareho ang pinagdadaanan natin.

Kung sa tingin natin katangahan ang patuloy na hindi pakikinig nito sa mga payo na tumigil na at tigilan na. – Baka hindi rin. Malamang, di pa siya ready o di kaya, baka may natitira pa. That little piece of hope we hold on to.

At hindi ito katangahan.

Pag di nakinig at sumunod, tanga na agad?

Porket di tumulad sa paraang ginawa mo dati, ayun…tanga na siya?

Teka, sure ka na alam mo ang eksaktong lagay mo sa kaparehong sitwasyon nung mga panahon na ‘yon? Malamang hindi kasi tulad ng karamihan, lunud na lunod ka rin nun at sarado ang isip at pandinig dahil sa katangahan na tinatawag mo ngayon.

Lahat tayo, may mga nakaraan na di kagandahan. At kahit siguro magdeny ka pa o pilitin na burahin ito sa alala…wala ka na magagawa kasi nagawa mo na. At mas di katanggap-tanggap kung patuloy ka pa rin. Yon, ikaw na. Ikaw na’ng bahala sa konsensya mo.

Di mo naman dapat ikahiya na minsan nadapa ka or nadulas sa maputik at masukal na daan ng buhay (napalalim yata ako mashado). Isa pa, wala namang nag-aabang kung kelan at saan ka madadapa dahil lahat ng tao abala sa sarili nilang eksena sa buhay pwera na nga lang kung merong nakaabat talaga sa mga ganitong moment ng buhay mo.

Kawawa naman sila kase, walang exciting sa buhay nila kaya’t nakiki-moment na lang sa moment mo.

Sa isang banda, magandang bagay na rin ang mga ganitong pangyayari, para sa susunod nasa sa’yo na kung nadala ka na o uulit ka pa. Nasa pinagkatandaan lang ang mga bagay-bagay sa mundo at di mo pwedeng irason palagi na “tao ka lang kaya ka nagkakamali.” –dahil sa oras na naulit, hindi na ito Katangahan…KAGUSTUHAN na ang tawag dito.

Kaya nga ba pagkatapos mong madaanan ang masalimuot at masukal na maputik na daan ng buhay, matatawa ka na lang pag naaalala mo ito at ang pag-iisip na wala na yatang katapusan.

Ngayon, sa pagitan ng mga biruan ninyong magkakaibigan, pwede ka nang sumagot ng – -“Dati yon, nung tanga pa’ko.” 😆

Natuto ka, yon lang naman ang importante dun at kung nakatulong man ang mga ito para maging maingat sa paggawa ng desisyon…mas maganda. -di naman lahat ng bad experience e dumadating para lang pasamain ang loob mo, kadalasan blessing in disguise ito para ma-divert ang pag-iisip mo sa mga bagay na wala namang ganong halaga para isipin. Gusto lang Niya na makita mo ang mas karapat-dapat na tingnan.

Yun nga lang, panahon din ang kailangan para makita mo ang lahat ng mas malinaw, na may siguradong sagot sa mas maayos at naka-move on na Ikaw. 🙂

Padalos-dalos

Padalos-dalos.

May sinabi at ginawa ka na naman na hindi mo muna pinag-isipan.

Ilang beses na yan. Di ka pa rin natututo. Wala ka talagang pinagkatandaan. Palagi mo na lang dinadahilan na hindi mo sinasadya at wala kang intensyon na makasakit. Sasabihin mo hindi mo na uulitin pero kahapon lang ginawa mo na naman. Anuverr?

Narinig ko na yan. Ilang beses na. Yung iba jan, galing din sa’kin kasi nagagawa ko rin yan paminsan-minsan. 😛

Diba’t ang payo nga ng mga matatanda, bago ka gumawa ng isang bagay…pag-isipan muna ito ng pitong beses bago mo gawin? Siguro pito para sa kahuli-hulihan, magpasya ka na lang na wag nang gawin lalo na’t kung di naman ito karapat-dapat gawin at kung may sama ka man ng loob, sapat na ang pitong beses para humupa na ang galit.

Ang hirap kasi minsan, diba? Na pagtimpian ang mga masasamang elementao na naninira ng araw at may mga pagkakataon din na parang gusto mong hamunin ang consequence para malaman kung gaano ka talaga ka-astig. Pero para sa iba, umamin na lang sana na likas lang talagang pasaway sa buhay.

Sa mga ganitong kaso, na di ka talaga maawat sa padalos-dalos na gawain…sa’yo na ang linyang: “Nasa huli ang pagsisisi, my friend.” Nasa huli talaga at pag minalas-malas ka pa, wala ka na ring magagawa para makabawi kasi nanjan na ‘yan at tapos na.

Ano, sasabihin mo na naman na hindi ka na uulit? I-record na lang natin ang mga linya na ‘yan para di ka na mahirapang ulitin ng ulitin na parang sirang plaka. Nakakarindi na minsan.

Hihintayin mo pa bang mapagod na ang mga tao sa pag-iintindi sa’yo at dumayalog na lang ng,”Sige, buhay mo naman yan. Bahala ka na. Bahala ka na sa buhay mo.” – -tsk tsk! Wag naman.

May pag-asa pa naman siguro. Kung gusto mo mabago ang isang bagay sa buhay mo, wag ka maghintay ng signs at umasa sa fate na darating ito. Diba’t mas kapani-paniwala kung gagawin mo. GAGAWA KA NG PARAAN kasi alam mo na ang mga susunod na mangyayari. Parang palabas lang na ilang ulit mo nang napanood….DI KA BA NAGSASAWA? Sa ilang beses na pinagsisihan mo yung mga nagawa mo, kung nung pangatlo inayos mo na di sana wala nang nasayang na panahon at di na umabot sa pagwalkout ng mga importanteng tao sa buhay mo.

Sa totoong buhay, ang mga nakakasakit na salita at gawa…masakit talaga at hindi yun basta-basta naaalis ng “sorry..” at porket di yun naaalis ng sorry eh di mo na rin gagawin. Naturalmente, magsorry ka naman kahit papano, makakabawas din yun sa sintensya mo.

Hindi ba’t ang pinakatotoong paghingi ng tawad ay yung makita mo naman na willing ito na magbago? At TOTOONG HINDI NA UULIT? Mas kapani-paniwala yun kesa magmukhang kawawa habang nagsosorry at kulang na lang lumuhod at umiyak para wagas na wagas na talaga ang akting.

Ikaw na.

May mga tao talaga na mahirap maintindihan. Kung susubukan lang sana nilang tingnan ang kabuuan ng isang sitwasyon at hindi lang ang sarili nila, baka sakaling makita nila na hindi lahat ng pagkakataon, sila ang dehado.

Na kapag hindi kapareho ng pananaw nila ang mga tao sa paligid nila eh ibig sabihin na agad, kalaban ito.

Hindi lahat ng tao na gustong lumapit at magtanong, gusto lang makichismis sa buhay mo. Meron pa ring iba na willing umintindi at magbigay ng oras para makinig at ipakita na hindi sila kasama sa mga tinutukoy mong makakagulo lalo sa magulo na ngang sitwasyon.

Hindi ka palaging tama at hindi lahat ng alam mong tama ay TAMA.

Minsan subukan mong makinig….nang hindi mo iniisip na dinedehado ka. Makinig ka para alamin ang ibang side ng istorya. Baka magulat ka sa mga bagay na hindi mo nalalaman. Baka sakaling malaman mo na hindi lang pala ikaw ang naging dehado. Baka pareho pala kayo.

Wala namang masama kung pagbibigyan natin ang mga bagay na maging maayos sa paraan na alam ng lahat, PANAHON. Pero sana rin maisip natin na mashadong maikli ang buhay para sayangin lang sa mga walang kwentang bagay katulad ng PRIDE at EGO.

Wala namang madali sa buhay na ‘to. Lahat ng bagay kailangan mong paghirapan. Pero kung paiiralin natin sa mga sarili na mas importante ang galit kesa sa pagpapahalaga sa mga taong pilit umiintindi, siguro nga dapat na rin silang mag-isip-isip.

Hindi palaging ikaw ang dapat intindihin.

Hindi palaging yung nararamdaman mo ang dapat binibigyan ng halaga.

Dapat marunong ka ring umintindi.

Dapat alam mo yan.