Wala lang, salamat lang.. :)

Ni-review ng BFF ko ang entries ko for the past months. Sabi lang naman niya, punumpuno daw ng angst ang posts ko.

Puro angst ba talaga?

Aminado naman ako na mas madalas sa hindi na ito ang nagiging outlet ko kapag merong mga pangyayari na hindi ko na kayang patambayin lang sa isip ko. Nangangati ang kamay ko na isigaw sa pagsusulat kung ano ang mga gusto kong sabihin.

Pasensya naman kung ganun.

Minsan kailangan naman talaga natin ng outlet para hindi maging stress at worst, sakit sa puso ang pagkikimkim ng mga bagay-bagay. Huli ko na rin kasi narirealize na marami pala ang napapadaan at napapatambay para magbasa ng entries ko. Huli na talaga yun eh, pagkapindot ko ng publish. 😆

Minsan din mashadong seryoso lang talaga si Aling Baby. Sumasanib kasi ang mga matatanda sa utak niya. At sa tindi mag-isip, kung anu-ano ang nasasabi na sa tingin ko naman, maraming tao ang nakakarelate. Yun naman kasi ang totoo diba? Alam nyo yan.

Kahit ako, pag binabalikan ko yung ibang entries ko, pakiramdam ko talaga ibang tao ang nagsulat nun eh. Kapag kasi nakalabas na ang idea at napost ko na, nawawala na rin sa isip ko na sa’kin pala lahat nanggaling ang mga sinulat ko. Lalo na nga at bihira na lang ako dalawin ng ideas.

At sa mga nakakakilala sa’kin na nag-iisip kung para ba sa kanila ang iilan sa mga sinulat ko…di siguro. Pero kung tinamaan kayo at talagang mapilit, o sige kayo na nga un (kahit hindi..), alam nyo naman na madali lang ako kausap. Bigay-hilig lang. Basta kung saan kayo magiging masaya.

Kaya nga nagpapasalamat ako sa mga masugid kong mambabasa. Yung mga matiyagang mag-comment at bumati. Kung hindi man ako nakakasagot sa inyo, gusto ko lang ipaalam na sobrang naappreciate ko ang effort para sumilip kung may update na ako. Kayo ang dahilan kung bakit sa kabila ng kabisihan ko nitong mga nakaraang lingo eh pinipilit ko pa rin mag-update. Shempre naman. 🙂

At kung totoo nga na punumpuno ng angst ang mga sinusulat ko, pwede naman kayo mag-iwan ng comments at suggestions hehe…

-Pwede yun, close-close naman tau eh.

Advertisements

Panood na lang..

Kung meron man akong gustong ulitin sa buhay ko, ito yung….yung ano…yung…wala pala.

Marami sa atin ang naghahangad na balikan at ibahin ang naging takbo ng buhay natin dahil sa iilang pagkakamali na nagawa, maling desisyon…malamang kung ano lang yung mali at mga bagay na hindi mo gustong nangyari. Yung mga ok, wag na. Ok na yun eh.

Pero ako, ayokong baguhin. No regrets.

May mga nangyayari kasi sa buhay ng tao na sadyang nakalaan para maging daan para marating yung tinatawag nilang destination. Kasama ang mga nangyaring ito sa buhay natin para mas makita ito. Yun lang ang napansin ko.

Kadalasan kasi sinisisi natin ang mga nangyari. Kinukwestyon natin ang mga ito dahil ito ang dahilan kung bakit hindi nangyari ang mga gusto natin. Kung bakit naiba ang takbo ng buhay.

Kapag napupunta naman tayo sa isang sitwasyon, binibigyan tayo ng choice. Alam ko, bago naman ginagawa ang isang bagay, kahit pa sabihin natin minsan na bara-bara lang tayo kung gumawa ng desisyon, kahit papano, iniisip pa rin natin kung ano ang kalalabasan nito. Ang choice para sumugod sa malinaw na talong laban at ang choice na gawin ang tama para sa mas nakararami, nasa sa atin ang mga ito. Kalaunan naman kasi, mas lamang talaga ang pansariling kapakanan. Ang dayalog ng bayan….

Kung saan ako magiging masaya.

Ang totoo, hindi lahat ng makapagpapasaya sa tin, ito ang tama.

Mas madalas na ito yung maling-maling-mali na sinasabi ng mga tao.

Ito yung choice na hindi nila pinapipili sa’yo kasi kahit jan ka masaya, hindi naman ito makakabuti sa’yo at sa mas nakararami.

Eh kaso, buhay mo…kaya magaling na magaling ang pakiramdam mo na kayo mo ito. Bahala na kung ano ang mangyayari.

So, pag napatunayan mong mali talaga…pupunta ka na sa sulok at iiyak at magsisisi at sasabihin mo sa sarili mo na kung pwede ka lang bumalik para baguhin ito, gagawin mo?

Mali lang.

Nagiging mali lang ang isang bagay pag hindi mo ito kayang panindigan. Kase pag sumuko ka, para mo na ring sinabi sa kanilang lahat na tama sila at mali ka. Yun lang yun.

Kahit kailan, hindi naging madali ang gumawa ng desisyon. Dahil minsan kahit alam mong tama ang gagawin mo, meron pa ring duda sa pinakasulok ng isip mo na may mas maganda pang paraan at solusyon. Pero para mag-effort ka na mag-antay at umasa na darating ito sa lalong madaling panahon, parang di ka na yata makakahintay. Gagawin mo na lang at bahala na kung ano ang mangyayari, basta’t kakayanin mo na lang lahat.

Tayo ang may hawak ng buhay natin at ang bawat desisyon na gagawin, tayo rin ang siyang makakatamo nito, wala nang iba. (unless mangdamay ka ng sibilyan..) Hindi naman kailangang laging eksayted sa pagdesisyon. Minsan, nakakatulong din yung pagslowdown. Sandali lang. Take a breath. Wala namang bombang sasabog pag di ka nagawa agad ng desisyon. Buhay mo lang naman ang pinag-uusapan dito. Buhay mo. Yun lang.

Kaya ako, kung mabibigyan ng pagkakataon na bumalik para may baguhin…babalik ako para manood na lang. Alam ko, marami akong nagawang kapalpakan dati. Gusto ko siyang mapanood at makita kung paano nag-iba ang mga sumunod na paraan ng pagdedesisyon ko pagkatapos ng mga nangyari.