Ume-EPS Na Naman

eps2

“Nang-eepal na naman o. Ano ba ‘to?”

Yan ang default caption ng mga araw na wala ka sa mood utusan o gumawa ng pabor kahit kanino. Sa pakiramdam, ganyan. Feeling mo yung mga tao, pinepeste ka kahit na trabaho mo talaga ang ginagawa mo. (Ok lang ba?)

Kesehodang tamad lang magbasa yung kausap mo. Na imbes na basahin muna para maintindihan, rereklamo agad tapos ikaw NA.AGAD.ANG.MALI. Nakakainis pero default din talaga ang pasensya sa lahat ng klase ng trabaho. Kahit ano pa yan.

Sa totoo lang, napakadaling mainis. Maghanap ka lang ng mali. Voila! Activated na agad yan. Pero wag nating kalimutan na kasama sa pakiramdam na ito ang pagkasira ng magandang umagang sumalubong sa’yo kanina paggising mo.

So, ano’ng nangyari sa motto mo’ng “Good morning. Good Vibes. 🙂 “?

Eh ang mga Epal na ‘yan, nagiging epal lang naman kapag hinayaan mong makapasok sila sa ulo mo. Kapag hinatian mo ng atensyon at malala, kapag nag-focus ka na sa kanya sa buong maghapon na para bang pa-sweldo ka niya ngayong araw na ‘to.

Hellooooooo. Bored ka ba? Hindi ba kaya ng trabahong patong-patong sa mesa mo, emails na di mo pa matapos-tapos basahin, utos ng boss mo at ang lunch break rituals para pag-aksyahan mo pa ng atensyon ang mga epal na ‘yan?

Eh sino ngayon ang talo? Eh diba ikaw? Bakit? Kasi patol ka rin. Papansin ka rin sa mga epal mo. Di mo ba alam na yan ang gusto nila sa’yo? Ang atensyon mo. Kasi nung di mo sila pinapansin, wala rin naman silang magawa kundi mag abang lang. Eh today is the day kaya, bahala ka sa buhay mo. Gusto mo yan eh.

Well, ikaw yan pag nagpaapekto ka. 😉

Eh sa totoo lang, ang mga epal, kahit ganyan, may silbi pa rin sila sa mundo. Pwede mo silang gawing “Bad example” diba? Gawin mo silang simbolo ng tagumpay. I-dedicate mo sa kanila yung award na nakuha mo. Na kung hindi dahil sa mga pang-eepal nila, di mangyayari ang mga susunod pang nangyari na siyang ikinasaya at ikinapanatag ng loob mo. Na kundi dahil sa kanila, di mo makikita ang kahalagahan ng buhay (mga ganyan) kasi wala nang nakaharang. Wala namang naglalakbay ng paatras. Wag kang magpa-delay sa kakaintindi sa mga epal sa buhay mo. Gorabels. Hindi sila ang may hawak sa buhay mo. Ikaw. At ikaw lang. Wala nang iba.

At sa susunod na magparamdam ulit sa’yo ang mga epal. Iisa lang ang payo ko sa’yo, my friend…isampal mo sa kanila ang katotohanang hindi ka pa rin nawawala sa kanilang mga isipan. Make it worth your while. In fairness, isang malaking effort ang magparamdam diba? Tawanan mo na lang. Di ba ganun ang solusyon sa problema?

Hahahahahahahahahahahahahahahahahahaha-HA?

eps

Ayoko na

Yung pakiramdam na ginawa mo na ang lahat and more, pero wala pa ring pagbabago sa sitwasyon at para bang nasa ‘yo lang ang pressure. Ang hirap. Nakakapagod na. Ang sarap na’ng sumuko at sabihing. “Ayoko naa!!” –with matching sabunot sa buhok.

Sa totoo lang, kasabay ng pagsigaw nito ang pag-asang mas gagaan ang lahat pag sumuko ka na at lumayo ng malayong-malayo. Naiisip mo na pag ginawa mo na ito, pag gumising ka kinabukasan, naiimagine mo na ang magandang ngiti sa mga labi at magaan na pakiramdam na para bang nabunutan ng mistulang ga-troso ang laki sa dibdib (ang laki lang talaga eh…kundi pa chak na gumaan ito, ewan ko na lang).

Sino ba ang may gustong gumising araw-araw na may pakiramdam na nakatulog ka na lang dahil sa pagod na ang katawang lupa mo sa hirap na nangyayari ngayon sa’yo? Na minsan, mas gusto mo na lang maging manhid dahil sa katotohanang, bukas, wala pa ring mababago. At kahit nasa pinakasulok ng isip mo, na ang huling bagay na pwede mong gawin ay ang sumuko, kaso umabot ka na sa puntong nasaid na at naibigay mo na ang lahat ng makakaya kasama ng buong buhay mo (malupet na metaphor sa pakiramdam na’to), dahil parang ikaw na lang ang lumalaban. Di naman siguro ganito kahirap kung alam mong may kasama ka pa rin sa laban, kaso mo, lumingon ka, (huwaatt??!) ikaw na lang pala.

Eh ano pa ba ang silbi ng ginagawa mo kung mag-isa ka na lang lumalaban?

Wala na? Suko na lang talaga?

Eh sa buhay natin, ilang beses na ba tayong umayaw at umatras na sa laban? Yung tipong kapag wala ka nang nakikitang pag-asa sa gitna ng lahat ng sakripisyo mo. Palaging hahanap ng easy way out. Takas na lang, tutal may iba pa namang problema d’yan na hindi mashadong challenging harapin. Sa pag-iisip na, hindi na ito worth it para bigyan ng panahon. Hindi na rin panghihinayangan…

Pero paano mo nga ba naman malalaman na worth it ito kung sa kalagitnaan pa lang ng laban, sumuko ka na? Paano mo masasabi ang posibilidad na may magandang naging resulta ang lahat ng sakripisyo kung sumurender ka na nung may dumating na problemang di mo nalampasan?

Well, hindi mo na malalaman. Yun lang yun.

Sa totoo lang, ang dali lang naman sumuko eh, lalo na kung wala kang ibang iintindihin kundi –sarili mo. (the shellfish ways…) Kay dali lang…just walk away. Go and don’t ever look back. It’s that simple. Lalo na’t kumbinsido ka na sa listahan ng rason kung bakit mas praktikal ang umatras na lang.

Tutal, hindi naman lahat ng sumuko, talunan. Pagod lang.

Marami at iba-iba ang dahilan. Pwedeng tao o sitwasyon, minsan pati panahon. Sabi nila, depende sa pinaglalaban. Depende sa taong pinaglalaban. Kung importante o hindi mashado. Mahal o medyo mahal mo lang. Minsan pati sa tagal ng pinagsamahan. Kalaunan, kung gusto mo pa ba o ayaw mo na.

Mahirap pilitin ang ayaw, maraming paraan at dahilan. Sabi pa nga nila, hindi naman mahalaga yung nag-iisang dahilan na LOVE -kasi marami pang pwedeng idahilan.

Sa tingin ko, sa gitna ng sitwasyong alanganin lalo na’t may problemang parang wala nang katapusan, palaging basehan mo, Love pa rin… “Mahal ko kaya ilalaban ko pa.” –diba? Pero aminin natin, yung iba financial security, mga anak, reputation, Pride/Ego, at family. Andun na ko…pero in the end, susuko ka pa rin kasi yung ultimate bond na nagkokonek sa’yo at sa kanya, love pa rin. Love lang palagi. Eto yung laman ng tanong ng mga taong curious kung bakit nagpapakahirap ka at matiyagang nakapila sa mga magpapabaril sa Luneta…”Mahal mo ba talaga siya?” (Sagot na…)

May pagkakataon nga na ito na lang ang ga-sinulid na nakakapit sa’yo at sa sitwasyon at pag-asa na darating din ang araw na maaayos din ang lahat. Na kahit sinasabi na sa’yong tama na at tumigil ka na, di mo pa rin magawa.

At the end of the day, YOU still have to make a decision. Ikaw talaga ang gagawa nito teh..

Hindi mo naman kasi pwedeng iasa sa advise nila ang mga ganitong sitwasyon because they don’t have to bear the consequences, ikaw pa rin yun te. Minsan, pag feeling mo parang halo-halo fiesta royale na ang mga bagay sa isip mo, makakatulong na lumabas ka…breathe, let go and Pray…

Dala lang ng emotions kung bakit nakakaisip tayo ng mga solusyong pagsisisihan natin pag kumalma na. Baka pwede namang bago magdecide, uminom muna ng malamig na tubig-kumain-manood ng sine-magfb-makipagkwentuhan sa kapitbahay-magDiamond Dash, magteleserye marathon-basta madivert lang saglit ang isip kase malay natin, bukas, pag ok ka na, sasabihin mong nabigla ka lang. (Hala, ano ‘to joke?!) Di naman pwede yun. Dahil pwera biro, hindi nakakatawang paglaruan ang feelings ng isang tao dahil lang sa hindi ka sigurado sa nararamdaman mo.

When you can no longer think of a reason to continue, you must think of a reason to start over…cause when it’s time to let go, you’ll just know.

Turuan ng Leksyon.

Lesson # 1:  Magreak ng naaayon sa tamang lugar, tamang oras at tamang sitwasyon.

Hindi yung bigla ka na lang makikisawsaw dahil lang sa “pakiramdam” mo, ikaw ang highlight ng event. Ikaw na naman. Para bang ikaw lang ang nag-iisang tao sa buhay ng iba para pag-aksayahan ka pa ng panahon. KSP lang naman ang alam kong sumasawsaw sa isyu ng may isyu.

Lesson # 2: Pag di ka sigurado, wag banat ng banat.

Sabagay, kung kinalat mo na ang isyung ito sa iba, ikaw at yung mga chuwariwap mo ang magmumukhang tanga kaiisip sa mga bagay at isyung hindi naman nag-eexist. Pero kung trip mong bumanat dahil bored ka na sa buhay mo, go. Buhay mo naman yan, ano bang pakialam ng iba.

Lesson # 3: Umarte ng naaayon sa maturity level.

Kung lampas kwarenta ka na o di kaya’y trenta, wag mong kakaligtaan na pag umarte ka na parang hayskul, bukod sa nagmumurang kamatis, ‘kakadiri na itong tingnan. Kung di mo mashado na-enjoy ang hang-outs nung hayskul kasi autistic ka dati, too late na. Past is past.

Lesson # 4: Mahirap gisingin ang taong gising.

Katulad ng mga taong naniniwala lang sa iisang rason. Siya ang tama, sila ang mali. Bakit ka pa mag-effort mag-explain kung natural na blanko naman ang takbo ng isip ng kausap mo. O, siya…ganito na lang, kung sa tingin mo tama ka. Eh di tama ka, may tama ka talaga. Lols. Un lang.

Lesson # 5: Pag dedma ka, wag ka na magpapansin.

Laganap na talaga ang Ka-KSP-han sa mundo. Meron bang lunas dito maliban sa peste’-cide? Minsan kasi, di ko maiwasan matawa kapag nakakakita ako ng mga ganyan. Bongga maka-effort talaga. Award winning. Pam-Famas. –Eh hindi naman ako yayaman sa inyo, so bakit ko kayo iintindihin??

Lesson # 6: Pag gusto mong gumanti, galingan mo naman.

Hindi yung puro banta na lang. Yung mga tipong, “Salamin nga nababasag, mukha mo pa kaya?!” –mga ganyan. Paalala lang, When you got nothing, you got nothing to lose. Kung totoong wala kang takot, kahit kay Karma…gawin mo na lahat ng makakaya mo. Go. Good luck.

Lesson # 7 : Kung sa tingin mo ikaw ang nasa katwiran, Ipaglaban mo!

Sabi yan ni Attorney Sison noon tuwing Linggo pagkatapos ng Sa Linggo nAPO sila. Marami naman talagang fumi-feeling agrabyado kahit hindi kailangan. Basta lang may masabi. Basta lang may baon sa hapag-chismisan. Di ko naman kayo masisisi kung yan ang source ng energy n’yo. Gaya nga ng motto ng mga Linta…hangga’t may masisipsip, kapit-sipsip lang. Eh pag nakasipsip na sila ng sapat, sunod nun, chugi na. Kung jan talaga kayo magiging masaya eh, go.

Lesson # 8: Pag may tiyaga, may masarap na ulam.

Kung ako sa inyo, goal setting na lang ang aatupagin ko. Di naman tataas ang annual net income n’yo pag maraming walang kwentang bagay ang pinagpyestahan n’yo sa buong taon. Bukod sa kasingdami n’yo rin ang trumatraydor sa inyo, di ka na rin makakasiguro na yung malimit mong kabiruan MISMO ang trumatraydor sa’yo pag wala ka or minsan kahit anjan ka pa. Saklap. Sa panahon ngayon, napakahirap na’ng magtiwala. Eh kung napakalalakas n’yo mambalahura ng mga chuwariwap mo, wag ka na magtaka kung sa ibang tao, binabalahura ka na rin ng mga chuwariwap mo. Epic fail.

Lesson # 9: Wag lang take ng take….mag-give ka rin naman, sugapa ka.

Di naman araw-araw may espeshal na okasyon para di ma-olats. Tandaan n’yo, What goes around, comes around. Parang gulong lang yan. Di naman pwedeng buenas na lang. Minsan, darating din ang moment mo. Aakyat ka sa stage at mabibigyan ka na ng award sa mga pinaggagawa mo. PERO, wag magsaya, hindi lahat ng award maganda ang title. At hindi lahat ng naa-Award-an ng maganda, deserving sa award na yon. Lalo na pag bunga ito ng kayod-marino sa pananapak ng ibang tao. Pero ganun talaga, may nakakalusot lang. Pero pag oras mo na. Oras mo na. Congratulations.

Lesson # 10: Kung gusto ng respeto, matutong rumespeto.

Hindi naman ito nakukuha ng basta-basta lang. Di porket mabait ka kahapon, ibig sabihin nun maniniwala na agad ang lahat lalo na kung nakailang bingo ka na. Sa panahon ngayon, mahirap nang paniwalain ang mga tao. Eh sa dami ba naman ng mga manloloko at abusado sa mundo, kundi ka pa matuto. Eto na lang, kung di mo kayang irespeto ang ibang tao, try mo na lang sa sarili mo. Wala namang mawawala sa’yo, di mo kailangang magbayad ng pera. Ngayon, kung di mo talaga kaya. Masarap mabuhay ng literal na walang iniintindi. Maiintindihan ka rin ng lahat. Pag wala na sila.

At, kung sa tingin mo ikaw talaga ‘to, eh di ikaw na nga. Gusto mo yan eeeehh.

Ciao! 😆

=)

Yung feeling na akala mo hindi ka na makakatawa ulit katulad ng dati.

Marami mang bagay ang nangyayari ngayon sa buhay, masarap pa rin isipin na meron pa ring nakakapagpasaya sa’yo.

Yung taong gusto lang ibalik ang saya’ng nawala sa’yo ng matagal.

Aba, hindi biro ang magmukmok at solohin ang pagbuhat sa buong mundo na balikat lang ang gamit. Haller! Ambigat kaya nun! At wala siguro akong plano’ng magtagal sa ganung sitwasyon.

Minsan, kailangan lang nating isipin na lahat ng bagay ay may katapusan.

Lahat as in lahat!

At kung may mga ibinato man sa’yo at na-bull’s eye ka, pasalamat ka na lang –pero sana hinintay ka man lang humarap. Pero hindi. Ok na lang din.

Lahat naman tayo ay may kahinaan at may takdang panahon kung saan ka babagsak pero dun ka rin tatayo…kung saan ka bumagsak.

Hindi ako naghahangad ng magarbong salubong. O yung tinatawag nilang banda’ng nag-aantay sa muling pagbabalik. Tama na siguro yung alam mong hindi nawala ang totoong malalim na turingang nawala ng minsang napatunayan mong isa ka palang mortal. Ok na yun.

Sana simula na ito ng mahaba pang yugto ng lakbay.

Di naman mauubos ang bukas at hangga’t di pa tapos ang misyon mo sa buhay, bukas gigising at gigising ka pa rin para makapag-umpisa.

Bagong yugto.

Thank God.

Ano ba talaga??

Gusto mo naman pero umayaw ka.

Kaya mo naman pero natakot ka.

Nandun ka na umalis ka pa.

Sinimulan mo na huminto ka pa.

Humakbang ka na umatras ka pa.

Napuntahan mo na naligaw ka pa.

Umupo ka na tumayo ka pa.

Kumain ka na gutom ka pa.

Umalis ka na bumalik ka pa.

Tinapon mo na pinulot mo pa.

Nawala mo na hinanap mo pa.

Nagtago ka na nagpakita ka pa.

Tinanggal mo na binalik mo pa.

Kinalimutan mo na inalala mo pa.

Niloko ka na nagpaloko ka pa

Iniwan ka na tinanggap mo pa.

Lumabas ka na pumasok ka pa.

Ginago ka na niyakap mo pa.

Tinulak ka na sinipa ka pa.

Inapakan mo na dinurog mo pa.

Binola ka na kinilig ka pa.

Sinaktan ka na nakangiti ka pa.

Tumigil ka na ayaw ko na!!!

Maraming tanga at martir sa mundo. Minsan ka nang naging tanga at martir…tama na ang isang beses. Sa susunod na lang ulit. At sa tamang tao naman para indi masayang ang pagod at luha.

Choose-day

Kung saan-saan natin nababasa at naririnig ang tungkol sa choose-choose na yan. Kesho nasa atin daw ang power (power talaga) para mamili at piliin ang mga nararapat sa buhay natin. Ang seryosong pag-e-eenie meenie miney moe ng mga bagay-bagay. (Parang kanina pa umuulit ang mga salita na sinusulat ko…anyway,)

Aba shempre naman indi lang basta-basta kang namimili ng isusuot o di kaya eh kung anu ang sumpunging kainin pag gutom. Paminsan-minsan (umuulit talaga..sorry naman.) kailangang alam natin kung hanggang saan ang pagbibiro at pagseseryoso sa mga ganitong bagay. Kung sa buong linggo ng pag-iisip, wag ka nang magpaabot ng Choose-day’para tapusin ang pamimili.

Kaninang umaga, sa gitna ng pag-g-GPS ko kay ate papunta ng bus namin sa pick up point nila, nawala ang antok ko. Bukod kasi sa malamig naman, ang mga pana/officemates ko eh nagpabukas pa talaga ng AC. Balat-kalabaw much lang. (Oo, lamigin kasi ako kaya ganun.) Ayun, nawala si antok kaya napatingin ako sa mga kasabay naming bumabyahe papuntang Business bay, (ikokonek ko ito sa Choose-day, promise!) nakakita ako ng signs…maraming literal na road signs na nakasakay sa isang trak. Para sa isang katulad ko na mahilig sa signs, ang laki ng impact sa’kin ng mga signs na papalayo kasama ng trak. Oo, weird na kung weird. Naisip ko, Choose-day ngayon, kailangang mas piliin kong dedmahin kung anuman ang ibig sabihin ng papalayong trak na ‘yon. Ang sabi ko nga, One way at No Entry lang ang pinaniniwalaan kong road signs. Kung bakit, kasi dun malimit nahuhuli ang mga kakilala kong nagmamaneho. Pwede mo siyang dedmahin, basta walang parak. Pag meron, sorry ka. Yun lang.

So, pagsakay ni ate…lalo na nawala ang antok ko. Choice ko pa rin yon. Kung anuman ang meron ngayong araw na ito, malay ko. Sa pag-uusap namin ni ate nadamay si Sun (yung araw). Oo, yung araw na kaya kang silawin kahit super dark ng sunglasses mo. Pinapagalitan ako ni ate, pati kasi ang araw napapansin ko. Kung bakit kinakampihan niya ang araw, indi ko rin alam. Eh indi lang naman si araw ang napansin ko mula ng sumakay ako ng bus. Bukod sa sobrang lamig kanina…

  • Naka-pink si ranju, isang bagay na pwedeng magkaron ng ibang senyales ngayong araw na ito.
  • Ang pamumuna ni ate. Pati yata driver ng trak na may signs, gusto pang alamin. Partida, sabi pa niya lagi siyang tulala at malalim ang iniisip. (Kelan pa??!)
  • Lagi akong nainom ng ascorbic acid every morning at ngayon biglang indi na ko sigurado kung yun pa rin ba ang naiinom ko….halaa.
  • Marami rin akong nabasa na sinabi niya. May nabasa ako — utak, hirap, unfair, hangin, sakit, oras, choose, act—accept. Dun na kami tumagal at inabot hanggang sa opisina. Kung anu-anu ang tamang paggamit ng word na accept’.
  1. Diba ito yung ginagawa pag tumatanggap ng regalo at nagtetenkyu pagkatapos.
  2. Ginagamit din pagkatapos tikman ang paghambalos ng nanay mo sa sobrang katigasan ng ulo mo.
  3. Pag natalo ka sa ending, wala kang choice kundi tanggapin.

–mas marami pa siguro kung papuntang Abu Dhabi pa ang opisina namin.

Kung ang usual na araw mo ay pare-pareho, minsan magugulat ka na lang. Marami ka na palang nagagawa nang indi mo namamalayan. Kung choice mo magpakasubsob sa trabaho, mas maganda kasi mauubos ang oras mo at parang ang bilis ng isang araw pag puro yon lang ang ginagawa mo. Kung choice mo rin ang pag-aabang ng lunch time at breaks, eh ikaw na yan.

Basta ang alam ko, araw-araw iba-iba ang nangyayari. May masasaya, memorable, kakaiba, surprising, nakakakilig, mga araw na minsan winiwish mong sana indi muna matapos, mga araw na kombinasyon ng nakakatawa-nakakainis-nakakaiyak at nakakapagod, mga araw na kasumpa-sumpa at mga araw na kahit wala namang dahilan…bigla ka na lang mapapatulala at para bang nakarating na ng milky way ang utak mo sa pamamashal. Normal lang yun.

Tayo naman ang totoong may power kung ano ang magiging outcome ng isang bagay. Indi rin palaging totoo na indi mo ito kontrolado. Minsan, may choice ka naman pero mas pinipili mong wag gawin kasi yon ang gusto mo. O, diba choice mo pa rin?

I, not events, have the power to make me happy or unhappy today. I can choose which it shall be. Yesterday is dead, tomorrow hasn’t arrived yet. I have just one day, today, and I’m going to be happy in it.

Dok Aling Baby

Sa pagkakaalam ko, si Mama ang may pangarap maging Psychologist. Sabi nga niya sa’kin, yon din daw ang pangarap niya para sa’kin kaya lang nauso yung ‘Follow your dreams’ –chorva, kaya indi na lang niya ipinilit ang gusto niya.

Mula nung sinabi niya sa’kin yon, dun ko na-realize na may passion din pala ako sa pagiging psych (psychotic lang minsan hehe…). Indi ko alam if that’s the right term to use. Kapag usapan kasi about life and love, ang friends..yan ang madalas nilang i-open up sa’kin.

I’m not an expert, wala akong formal practice in counseling or kung ako ang right person para kausapin about these things. Mahilig lang talaga siguro akong umopinyon or magshare ng konting nalalaman ko. Most of what I share is from other people’s experiences. Sabi nga nila, learning from your mistakes is smart; learning from mistakes of others is wise. – And sometimes din, I put myself in their position to make better judgment of the situation.

It’s just how I see things.

I’m not saying na tama lahat ng sinasabi ko. I stand corrected naman and I appreciate other people’s opinions about things especially if they’ve personally experienced it. I’m always interested when people share these things with me, yung struggles, and how they went through it, tapos yung ginawa nila to move on and to reach this far para maging ok. Feeling ko, sumama ako sa journey nila. (OA ba? Hehe…) Ewan ko ba pero obsessed talaga ako sa mga ganun.

Wala naman nakalagay sa noo ko na ‘Free Counselling’, nao-auto mode lang sa ganun pag naramdaman ko na gusto nila mag-open up sa’kin. Si Aling Baby naman kasi, mataray lagi ang impression sa kanya ng iba kasi sobrang tahimik at parang indi kikibo pag kinausap mo but when you get to know her, you’ll be surprised kasi mas mataray pala siya at talagang indi palakibo makulit siya at makwento at maraming sinasabi at sasabihin.

Nung nakausap ko ang kapatid ko minsan, sa dami ng pinag-usapan namin at kung saan-saang topic na kami napunta, bigla na lang niyang nasabi sa’kin, “Pwede ka na sa counseling.” Gulat ko naman kasi ate ko siya tapos ako pa ang counselor.

Masarap din naman sa pakiramdam when you know the answers to some of life’s badtrips. Lagi ka may reality check at nakikita mo ito in a broader perspective. Parang ang dali-daling gawin. Para kang si Doc na nagrereseta ng gamot. Like pag indi makarecover si friend sa nangyari sa kanila ng ex niya, rereseta ka ng,

  • 1 week off ang mobile phone
  • No social networking for a week din
  • Go out with friends
  • Drink lots of alcohol beverage, drown all your sorrows..
  • Tapos meet new people

Diba? Hoping next week ok ka na talaga. When you see things idealistically, madali lang lahat para sa’yo. Kasi alam mo ang dapat para sa sitwasyon. Eh kung realistic ka rin, sasabihin mo naman, “Masakit yan now, pero mawawala rin yan. Maniwala ka.

Ang indi lang maganda when you know the answers, yung right and wrong…when it all comes down to your own situation, you tend to look at all possibilities at nandun yung traffic. Stuck ka na sa traffic. Kasi you’re just giving out all the answers to all those questions which means, when it’s time for decision making – umeexit ka na kasi sila na ang bahala dun. That’s the hardest part of the situation.

So, it doesn’t matter whether you know the answers and you know what to do. What matters is how you’re going to deal with it. You have to make a decision and you have to do it fast kasi maraming oras at panahon ang nasasayang. But let’s not forget the awful truth na indi ito ganun kadali.

Kahit naman gaano pa kahirap ang sitwasyon natin, ang importante, may mga taong pwedeng makausap at makapagbigay ng magandang advise sa current situation natin. Wala pa ring tatalo sa pakiramdam na alam mong maraming nagmamahal sa’yo at nagsasabi na indi ka nila pababayaan. Kasi isa ito sa nagbibigay sa’yo ng strength. Shempre wag din naman natin kalimutan si Kuya Jesas na laging nand’yan at certified na indi mawawala kahit kailan.

Lahat ng problema, may solusyon. Totoo yun, promise. 🙂