Kelan ka dapat at indi dapat umepal?

hmmmpft!
hmmmpft!

 

Napapansin ko kasi na marami sa atin ang mahilig makisawsaw sa mga bagay o isyu na kahit bali-baligtarin natin ang mundo eh indi naman talaga karapat-dapat na pakialaman. Kapuna-puna ang kaepalan kahit na maliwanag pa sa sikat ng araw na indi naman kailangan sumali eh pilit pa ring isinisiksik ang sarili na parang mga ipis na sumusuot sa isang butas habang ini-spray-an ng baygon. Nakakatawa. Isang patunay na kahit walang pera sa pag-epal, napakarami nila at bukod sa ginagawa nila itong hobby, ito rin yata ang stepping stone nila para ma-discover ng mga talent agent.

Minsan tuloy nalilito ako kung anu ba ang gustu nilang mangyari…Ang Magpatawa lang (payaso itu..) o Ang maging eksenadora/o (haha toilet bowl??) lang kahit sandali, parang 30 secs. to Fame ang dating. Kaso laging ang baho ng pasok. Imbes na makatulong, kadalasan ito pa ang sinisimulan ng mga indi magaganda pang eksena. (siguro yon ang gustu nila ayaw pa magpahalata.) At pag ganun na ang palabas, ang sarap maglipat ng channel o kaya makinood ng palabas sa ibang bahay…o minsan basagin mo na lang yung eardrums mo para tuluyan ka ng walang marinig.

Napakahirap ba talagang magpatay-malisya sa mga bagay para lang maging peaceful ang mundo na iniikutan? Mabigat ba mashado kapag mas inuna mo ang mga bagay na magpapasaya sayo kesa sa umepal? Pwede bang minsan wag mo nang isipin na lahat ng bagay eh patungkol sayo? Dahil sa totoo lang, no offense pero sobrang indi. Kung nakakabingi ang katahimikan kaya ka nag-iingay na parang nu yir para lang mapansin…please lang spare yourself. Kasi sa huli, walang ibang magmumukhang tanga kundi ikaw lang. Walang aako sa posisyon na yon para sayo.

Every action has an equal and opposite reaction. Kung ang pag-epal na lang ang natitirang paraan para sumaya ang araw…sana isaisip natin na indi lahat ng tao mababaw ang kaligayahan. Indi lahat ng nakakatawa para sayo ay nakakatawa rin sa iba. Indi lahat ng akala nating tama ay tama rin sa iba. Marami tayung maling akala sa buhay natin. Madali maging tao, mahirap ang magpakatao. Walang ibang nagpumilit kung bakit tayu nasa isang sitwasyon kundi ang mga sarili natin. Mahirap maintindihan ang mga bagay na sadyang ayaw lang intindihin at walang ibang gagawa nun para sa’tin kundi ang mga sarili natin.

At sa susunod na nagbalak kang umepal sa isang sitwasyon, tingnan mo muna kung wala kang masasagasaan dahil indi laging pasko o bertdey mo para ma-abswelto ka. Kung iniintindi ka nila palitan mo naman ng pag-intindi dahil tulad mo, hirap din sila magpakatao para sayo.

 

Gitarista

 

Paborito kong musical instrument ang gitara. Naalala ko nung 3rd year hayskul ko nung pinayagan ako ni mama na bumili ng gitara na halos ganto ang itsura.

Nilagyan pa ni kuya ng pangalan ko. Puro basic lang naman ang natutunan ko kasi indi naman ako nag-formal guitar lessons. Binigyan lang ako ng chord guide at song book ng pinsan ko bahala na raw akong mag-aral kasi kung talagang gustu kong matutunan, magagawa ko yon dahil sa perseverance. Ayon, awa ni Kuya Jesus, natutunan ko ang pinakamadaling kanta noon na “Line to Heaven ng Introvoys haha, not bad for a first timer. Bago ko naman natutunan yun, sumakit lahat ng fingertips ko at dahil nga sa indi ako tumitigil hangga’t indi ko mabuo ng walang palpak yung kanta na yon, kinalyo na rin ang mga ito.

Puro strum pa lang ang alam ko gawin kasi indi ako biniyayaan ng mahabang daliri para mas madali ang plucking hmmpft! (nagdadahilan pa eh..) Pero kahit naman halos puro madadaling kanta ang natutunan ko masarap na sa pakiramdam yung kahit papanu mabuo mo ito habang sinasabayan ng pagkanta naks, parang jam session lang. Minsan nag-aspire na rin akong sumali sa banda kaso lang, matinding kalaban ko ang stage fright. Indi ko ma-overcome kaya mas pinili ko na lang sa loob ng kuwarto ang pagko-concert at minsan, pinaririnig ko sa mga kapatid at kaibigan ko. Yung ibang friends ko dati na marunong talaga, naturuan din naman ako kahit yung iba, puro intro lang ng kanta ang alam haha. Tipo bang intro ng Alapaap ng Eheads, shempre feel na feel mo na…kantang-kanta ka na sa unang linya ng stanza tapos sasabihin niya, “Yon pa lang ang alam ko eh.” Sabay kamot-ulo haha. Sayang diba? Buti pa nga sila alam nila tugtugin ang intro eh ako indi. Ang pinakapaborito kong natutunan eh yung song ng IAxxe na Ako’y sa’yo at Ika’y sa’kin. (naks!) Ang galing ng nagturo sa’kin nito kasi talaga namang nabuo ko siya at mabenta sa bahay namin dahil paborito ng kuya kong kantahin. Ginagawa ko siyang bokalista haha, diba fulfilled na rin kahit papano. Kaya nga laking pasalamat ko kay Lablayp hehe..siya kasi ang nagturo sa’kin. 🙂

Marami pa siguro akong matututunan, kung indi lang talaga nabasag ang gitara ko. 😦 Aksidenteng natumba siya nung nag-akyatan sa kuwarto ko ang mga pamangkin na makukulit. Naiyak pa nga ako nun kasi shempre, close na kami eh tapos mangyayari yon. Indi na ako nakabili ulit at mas nakukuntento panoorin ang mga kaibigan na magagaling talaga at nakikikanta na lang. Kinalawang na nga yata ako hehe. Nakakahinayang rin na indi ko na natuloy di sana kung tinuloy ko magiging kasing galing ako ni Sungha Jung, 11 year old kid from South Korea. Pinakita lang sa’kin ito ng isang friend at nung pinanood namin…talaga namang nakakabilib! Sa edad niyang yan, panu niya kaya natutunang tumugtug ng ganyan? (Elyen ka ba totoy??) Eto po, panoorin nyo.

                                Come Together

 

                                 When september ends

Sayang, naging ganyan din sana ako kasing galing niya. Haayyzz, may mga pinanganak lang talaga na sadyang biniyayaan ng magagandang talento. Okay na ko sa pasulat-sulat at pakanta-kanta sa cr at kusina. 😀

Bagong BUHAY, Bagong BAHAY

Dalawang buwan mahigit na pala ako sa pag-blog. Naks ambilis talaga, kala ko kahapon lang. Nung una eh nangangapa pa ako sa kung paanong aayusin ang mga entries, widgets, comments, blog roll, atbp. Eksheli, kelan lang ako natutong mamasyal, tumalon-talon at nakitambay sa iba’t-ibang magagarang bahay, mansion, tindahan, iskul, tambayan at umpukan. Nagsimula sa pagbasa-basa (in short, nakikischismis lang.) at nakikitawa lang. Pag minsang na-kerid awey, ayun at nakikisawsaw na sa pag-comment. Sa pamamasyal ko, marami akong nakikilala. Kahit indi ko pa sila nakikita kahit man lang sa picture, para bang ang tagal nang magkakakilala. Magkakapitbahay sa isang village na nagkakasalubong sa daan. Magkakakilala kahit indi mashado magkakilala haha, ang gulo pero ganun talaga.

Mas madalas na nauubos ang oras ko sa pagbabasa ng ibang post kesa sa pag-iisip ng posibleng maging topic para sa sariling entry. Kaaliw naman talaga kasi. Bukod sa pampatanggal inip, matatawa at marami ring dagdag-kaalaman tungkol sa mga bagay-bagay.

Nung umpisa, kaya lang ako gumawa ng blog, para lang ma-showcase ang mga barkada na binuo namin dito sa Dubai. Ang mga happenings, mga trip gawin, pinag-usapan, pinagpiyestahan, asaran, mga bertdeyan, at kung anu-anu lang. Pero nung tumagal, pagpasok ko ng pang-40th entry ko(antagal eh bago na-realize), parang bumalik yung dating ako na mahilig magsulat. Naaalala ko pa nga na nung nakabuo ako ng halos limang (kala nyo marami noh?) nobela na puros tungkol sa…LAB, san pa ba? Mga tipikal na kwentong pang-dalagita haha. Pinagpasa-pasahan pa ng mga klasmeyt ko nung hayskul, kala mo naman talaga ganun kaganda.Tinatanong pa kung ako ang totoong gumawa, sulat-kamay ko tapos indi ako ang gumawa? Amf! (Shempre indi ko sinabi yung “amf” bata pa ko nun eh haha.) Pero dahil sa nag-college na rin, napatigil ako kasi naging busy na. Isama mo pa dyan ang pagsulpot ng isang blogger na nagtatago sa alyas na Zapped. Ang bespren ko, co-writer, assistant editor, managing director..haha, taas ng pangarap. Natutuwa ako at nakasali na siya sa mundo ng WP. At isa pa…

Namiss ko ‘to. Isang bagay na alam kong komportable ako.

At sa aking ika-69 (indi ko pa naantay yung 70 eh noh?) na entry, kasama ng pagbabagong-anyo ng bahay namin ni lablayp…ang simula ng bagong mga kwento. Minsan sirius, minsan nang-aano lang pero para sa akin ito AKO. Ayoko na ng madilim na paligid. Para kasing laging brownout sa dati kong bahay kahit bayad ang kuryente at updated ang bayad sa renta. Pagbabago maging sa loob at labas ng aking blog. Ang hirap ekspleyn eh pero panahon na rin siguro para ituloy ang buhay. Nakakamiss balikan ang mga dating nakasanayan. Marami-rami na rin ang nagbago, ngayon ko lang nakikita. Mga pagbabagong nakabuti at kung ito man ay nakasama, parte na rin siguro ito ng pagbabago. (Puro bago yung sinabi ko dun ah.)

Sana patuloy pa rin kayo sa pagbisita at pag-iwan ng mga nakakaaliw na mensahe. Ang sarap sa pakiramdam na merong nakaka-relate, nakakaintindi at kahit na indi tayo nagkakakitaan, alam ko iisa lang ang goal nating lahat…ang ipahayag ang ating mga sarili sa pamamagitan ng pagsusulat.

Salamat sa inyo mga blog mates at readers. 🙂 Tuloy po kayo sa bahay kubo namin. 🙂

 

 

Naniniwala ka ba dito?

Lumaki ako sa pamilya na naniniwala sa mga pamahiin. Masipag si mama sa pagpapaalala sa amin araw-araw. Kaya naman nakasanayan ko na ang mga ganitong paniniwala at tumatak na ito sa isip ko. Wala na ko choice eh at indi ko naman maiwasang gawin kasi awtomatik na kong umiiwas sa mga ito. Ganun talaga siguro pag nakasanayan mo na ang isang bagay. Isa pa, lagi sinasabi ni mama na “Walang mawawala kung susundin natin.” Oo nga naman, may point siya dun. Kesa naman lagi masermunan at mapagalitan, sumusunod na lang din at minsan nakakaguilty rin kasi pag sinuway mo kahit na indi niya nakikita eh. Para bang kinakalabit ka ni safeguard (ang iyong konsensya) hehe..

Amshur ay alam ninyo ang ilan sa mga pamahiing ito. Silipin nga natin.

Sa kusina at hapagkainan

  • Masama raw kumanta habang kumakain, kasi indi raw ginagalang ang grasya.
  • Ang pagsusuot ng sombrero habang kumakain ay indi rin pagrerespeto sa grasya. (Kesehodang hip-hopper ka o anuman un.)
  • Pag nakapwesto ka na sa mesa at nagsimulang kumain, masama raw kung lilipat ka pa kasi dadami ang magiging asawa. (alam ko pabor ito sa iba hehehe…)
  • Ang pamosong, “Don’t talk with your mouth full.”  Kase baka magtalsikan sa ibang pinggan yung kinakain mo hehe..
  • Masama rin daw na nililigpitan ang mga wala pang asawa habang ito’y indi pa tapos kumain dahil indi na raw ito makakapag-asawa.
  • Pag kumakanta ka raw habang nagluluto ay magkakaron ka ng maraming asawa. (ang weird noh, para kumakanta ka lang eh kung anu-anu na mangyayari sayo.)
  • Kapag aksidenteng nahulog ang kutsara, may darating na bisitang babae. Pag tinidor, ay bisitang lalaki. (Eh pag kutsilyo o kaya sandok noh? Hehehe)
  • Pag nakabasag ng baso, isang badya  ng masamang pangyayari. (Papalitan mo yung nabasag mo hehe..)
  • Sa paghihiwa, pag nahiwa ng kutsilyo…aba mag-ingat ka. may taong nakakaalala sayo matindi. (Malamang ito yung mga taong pinagkakautangan mo.) Ganun din pag biglang nasamid o makagat ang dila. (Ito naman sigurado nabuking na kayo ng mga pinagchi-chismisan nyo.)

Sa Lamayan

  • Hindi raw dapat mapatakan ng luha ang salamin ng casket ng sinumang kapamilya o kamag-anak kasi baka may sumunod.
  • Pagkagaling sa lamay o libing, indi muna papasok sa bahay para daw indi maisama sa loob ng bahay ang kaluluwa ng namatay.
  • Indi rin daw dapat nag-uuwi ng pagkain na galing sa lamayan. (kasi naman indi berdeyan un noh.), masama rin daw yon.

Sa Kung saan-saan

  • Pag nakarinig ka daw ng tiktik ng butiki, ibig sabihin may darating na bisita. (Panu pa kaya pag berdey mo noh? Siguro pagod na ang butiki sa kaktiktik hehe..)
  • Ang paru-paro na pagala-gala sa bahay ay naghahatid ng isang balita o isang dalaw na kaluluwa. (Hala may mumu..)
  • Masama daw yung pag sobrang saya kasi kasunod nun sobrang lungkot. (tandaan mo yan neytan.)
  • Masama din daw yung natutulog ng busog, pagod o lasing (sa Irish beer, Sommer) kasi baka raw bangungutin.
  • Masama rin daw na ang pwesto ng higa mo pag paa ang nakatapat sa pinto. Hindi ko alam pero lagi itong sinasabi sa kin ni mama.
  • Wag daw umalis ng bahay pag Friday da 13th, dahil mamalasin ka raw o madidisgrasya.
  • Pag magpapalit ang taon, mas maigi kung sa bahay ka na lang dahil delikado daw na nasa biyahe ka pa ng oras na yon.

Iilan lang yan sa mga pamahiin ng nanay ko pa lang. Kasi nga ang tatay ko ay silent type (dun ako nagmana eh hehe..), mas madalas si mama ang nagpapaalala sa amin ng mga ito. Pag bata ka pa shempre, pag indi pwede indi mo gagawin. Kaya nga ngayon pag tinatanong nila ako kung bakit, ano namang masama pag kumakanta habang kumakain? Eh panu kung nasa bar ka? Hehe..malamang tapos na sila kumain bago sila nakikikanta diba? Depende naman yan sa kinalakihan at kinaugalian ng bawat isa at sa kung anu ang pinaniniwalaan nila. So far, wala pa namang masamang nangyayari sa akin sa pagsunod ko sa mga ito at minsan kapag muntik-muntikan nang makalimot, nagso-sorry ako kay mama sa isip ko hehe..

Meron ba kayong mga pamahiin? Share nyo naman. 🙂

 

ANO ITO???!

 

Pag nakakita kayo ng ganito samwer sa inyong dining area… 

Anu kaya ang pwedeng maging dahilan at naisulat ito ng taong nakaiwan? hmmm?? Para namang nag-aamok lang. Eh pwede namang “Thank you”, “God Bless” o kaya eh “Teyk Ker Kos Ay Ker” ang ilagay ewan kung bakit mas napili pa nitong gumawa ng isang obra maestrang pawang mga salita at purong salita lamang. (naks naman, pa-humble pa siya at indi iniwan ang pangalan nyahahaha!!!)

Naisip ko lang, siguro naman ay may dahilan kung bakit niya ito ginawa diba? Pagbigyan na naten. O baka naman kasi…

  • A. Nakakalbo na siya kakagamit ng cheap na shampoo.
  • B. Nalaman niyang bading ang ipinalit sa kanya ng boypren niya.
  • C. Bumabaho na ang paa niya dahil sa indi paghuhugas nito pagkagaling sa lakaran.
  • D. Naligo siya ng mainit na tubig at nalapnos ang balat niya.
  • E.  Naaasiwa na siya sa kanyang mala-kontinenteng laking baskil
  • F. Asin ang nailagay niya sa kape niya kaninang umaga.

Hahahaha!!

Eh kayo, anu kaya ang unang magiging reaksyon nyo kung kayo ang makakita ng isang pampaganang pagbati mensaheng tulad nito?

 

Ang Plastik na Walastik!

Indi ako panatiko ng mga plastik. Sa katunayan, yung natitirang plastik na chest drawer namin ay pinalitan ko na ng kahoy. Bukod kasi sa indi sila in good terms sa kalikasan, ang kaledad nito ay indi ganun kaganda. At kahit anung paalala ng ilang sektor na limitahan ang paggamit ng mga ito, wala naman tayong magawa dahil pagdating mo palang sa kusina, plastik ang mga bote ng toyo, suka, mantika, yung ilang spices na nabibili natin sa mga grocery. Kadalasan, ang mga pinggan at baso ay plastik na rin para indi magastos kapag aksidenteng nababasag ang mga ito. Pag may mga okasyon, isama mo na dyan pag may outing at field trip, nangunguna ang mga plastik plate, spoon, fork, at cups  sa listahan para lang mabawasan ang pagod sa paghuhugas.

 

Pag pumunta ka sa CR, puro plastik din ang makakasalamuha mo. Mula sa tabo, balde, planggana, bote ng shampoo, conditioner, shower gel at pati na ang lagayan ng sabon. Isama na natin yung pang-ahit mo sa kung saan-saang buhok ka tinubuan eh plastik din. Alangan namang puro de babasagin ang lahat, ang sushal mo naman kung ganun.

 

Sa cabinet mo naman, ang mga hanger at sipit, ayun puro plastik. (Meron bang nabibiling babasaging hanger??) Sa dresser mo naman, ang mga bote ng losyon, powder, moisturizer, pati na ang lagayan ng deodorant haler puro plastik.

 

Kasi kung iisipin natin, mas madali kung ganito ang packaging nila. Makakamenos sa presyo, hindi mabubutas ang iyong bulsa at indi ka pa mahihirapan magbitbit pag nag-shopping. Kaya lang kahit pagbali-baliktarin natin ang mundo(nakakahilo naman yata yun.), ANG PLASTIK AY PLASTIK. Lagi na lang ba nating sasabihing, “Magdusa ka Kalikasan. Kailangan ng toyo at suka ng adobo ko.” Eh kahit naman ayaw natin, yung mga manufacturer ng mga ito ang naglalabas ng ganitong packaging. Paano na lang ang adobo kung walang toyo at suka? (indi na adobo yon.) Pero kung mapilit ka, sige…kung plastik at plastik lang din ang pag-uusapan, dito na ko sa walastik sa tibay.

 

Aminin mo, napakalaking tulong ng mga plastik sa pagpapagaan ng buhay mo. Kaya imbes na maging concern ka kay Mother Nature eh, mas inaalala mo ang magiging epekto sa budget mo. (Kahit ako guilty dito. 😦 ) Kung naging mayaman sana lahat ng tao, siguro buhay na buhay ang karir ni Inang Kalikasan.

 

Kaya nga kasama na sa buhay natin ang mga plastik. Kahit siguro anu pang pagpo-protesta ang gawin ng iba’t-ibang sektor para pahintuin ang paggamit ng mga ito, mahirap na para mapigilan ito. Kung sana, sa pagitan ng pagpo-protesta ay umiisip ng alternatibong paraan…malamang siguro matagal nang naubos ang mga plastik na ito sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao.

 

Nakikiisa ako sa hangarin na ito at sana nga ay mailigtas pa natin ang inang kalikasan sa mga problemang madudulot ng mga plastik na to sa komunidad at kalusugan. Kawawa naman ang mga susunod pang henerasyon na indi na makakasimoy ng sariwang hangin sa ilalim ng punong mayabong sa gitna ng siyudad diba?

 

 

 

Ang Pagtutuos

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Kagabi nakasalubong ko ang kaaway kong mortal.

Akala ko nagtagumpay na ko sa pag-iwas sa kanya.

Akala ko tuluyan na akong nakaligtas

At nakatakas sa mapanumpang bitag niya.

Buong araw pa naman akong nanghihina

At nanlalambot sa sunud-sunud na puyatan.

Kaya alam kong indi ako uubra sa kanya sa pagkakataong ito.

Hapon pa lang ay nakikinita ko na ang pagtutuos na ito,

Pero sinabi ko sa sarili ko na,

“Inding-indi ako magpapatinag sa kanya.”

Indi ako makakapayag na siya ang maging dahilan ng mga sayang na sandali.

Naisip ko, ito na ang panahon para harapin ko siya

At patunayan sa kanya na indi kailanman siya magtatagumpay sa binabalak niya.

Alas onse, lumalapit na siya sa akin pero nadadala ko pa rin siya sa pandededma ko.

Alas Dose ng Gabi, lumalaban pa rin ako. Dinaan sa pakikipagkwentuhan, baka madaan pa ito sa usapan.

Pero indi.

Ala una ng madaling araw, bumigay na ako.

Hindi ko na kinaya.

Iba ka talaga.

Pasalamat ka at talagang iba ang pagod ko ngayon kaya indi ko naipagtanggol ang sarili ko

 

sa’yong ANTOK ka.

 

May araw ka rin sakin.

 

Sa susunod,

 

iinom na ko nito bago mo pa ko maunahan.