Ayoko na

Yung pakiramdam na ginawa mo na ang lahat and more, pero wala pa ring pagbabago sa sitwasyon at para bang nasa ‘yo lang ang pressure. Ang hirap. Nakakapagod na. Ang sarap na’ng sumuko at sabihing. “Ayoko naa!!” –with matching sabunot sa buhok.

Sa totoo lang, kasabay ng pagsigaw nito ang pag-asang mas gagaan ang lahat pag sumuko ka na at lumayo ng malayong-malayo. Naiisip mo na pag ginawa mo na ito, pag gumising ka kinabukasan, naiimagine mo na ang magandang ngiti sa mga labi at magaan na pakiramdam na para bang nabunutan ng mistulang ga-troso ang laki sa dibdib (ang laki lang talaga eh…kundi pa chak na gumaan ito, ewan ko na lang).

Sino ba ang may gustong gumising araw-araw na may pakiramdam na nakatulog ka na lang dahil sa pagod na ang katawang lupa mo sa hirap na nangyayari ngayon sa’yo? Na minsan, mas gusto mo na lang maging manhid dahil sa katotohanang, bukas, wala pa ring mababago. At kahit nasa pinakasulok ng isip mo, na ang huling bagay na pwede mong gawin ay ang sumuko, kaso umabot ka na sa puntong nasaid na at naibigay mo na ang lahat ng makakaya kasama ng buong buhay mo (malupet na metaphor sa pakiramdam na’to), dahil parang ikaw na lang ang lumalaban. Di naman siguro ganito kahirap kung alam mong may kasama ka pa rin sa laban, kaso mo, lumingon ka, (huwaatt??!) ikaw na lang pala.

Eh ano pa ba ang silbi ng ginagawa mo kung mag-isa ka na lang lumalaban?

Wala na? Suko na lang talaga?

Eh sa buhay natin, ilang beses na ba tayong umayaw at umatras na sa laban? Yung tipong kapag wala ka nang nakikitang pag-asa sa gitna ng lahat ng sakripisyo mo. Palaging hahanap ng easy way out. Takas na lang, tutal may iba pa namang problema d’yan na hindi mashadong challenging harapin. Sa pag-iisip na, hindi na ito worth it para bigyan ng panahon. Hindi na rin panghihinayangan…

Pero paano mo nga ba naman malalaman na worth it ito kung sa kalagitnaan pa lang ng laban, sumuko ka na? Paano mo masasabi ang posibilidad na may magandang naging resulta ang lahat ng sakripisyo kung sumurender ka na nung may dumating na problemang di mo nalampasan?

Well, hindi mo na malalaman. Yun lang yun.

Sa totoo lang, ang dali lang naman sumuko eh, lalo na kung wala kang ibang iintindihin kundi –sarili mo. (the shellfish ways…) Kay dali lang…just walk away. Go and don’t ever look back. It’s that simple. Lalo na’t kumbinsido ka na sa listahan ng rason kung bakit mas praktikal ang umatras na lang.

Tutal, hindi naman lahat ng sumuko, talunan. Pagod lang.

Marami at iba-iba ang dahilan. Pwedeng tao o sitwasyon, minsan pati panahon. Sabi nila, depende sa pinaglalaban. Depende sa taong pinaglalaban. Kung importante o hindi mashado. Mahal o medyo mahal mo lang. Minsan pati sa tagal ng pinagsamahan. Kalaunan, kung gusto mo pa ba o ayaw mo na.

Mahirap pilitin ang ayaw, maraming paraan at dahilan. Sabi pa nga nila, hindi naman mahalaga yung nag-iisang dahilan na LOVE -kasi marami pang pwedeng idahilan.

Sa tingin ko, sa gitna ng sitwasyong alanganin lalo na’t may problemang parang wala nang katapusan, palaging basehan mo, Love pa rin… “Mahal ko kaya ilalaban ko pa.” –diba? Pero aminin natin, yung iba financial security, mga anak, reputation, Pride/Ego, at family. Andun na ko…pero in the end, susuko ka pa rin kasi yung ultimate bond na nagkokonek sa’yo at sa kanya, love pa rin. Love lang palagi. Eto yung laman ng tanong ng mga taong curious kung bakit nagpapakahirap ka at matiyagang nakapila sa mga magpapabaril sa Luneta…”Mahal mo ba talaga siya?” (Sagot na…)

May pagkakataon nga na ito na lang ang ga-sinulid na nakakapit sa’yo at sa sitwasyon at pag-asa na darating din ang araw na maaayos din ang lahat. Na kahit sinasabi na sa’yong tama na at tumigil ka na, di mo pa rin magawa.

At the end of the day, YOU still have to make a decision. Ikaw talaga ang gagawa nito teh..

Hindi mo naman kasi pwedeng iasa sa advise nila ang mga ganitong sitwasyon because they don’t have to bear the consequences, ikaw pa rin yun te. Minsan, pag feeling mo parang halo-halo fiesta royale na ang mga bagay sa isip mo, makakatulong na lumabas ka…breathe, let go and Pray…

Dala lang ng emotions kung bakit nakakaisip tayo ng mga solusyong pagsisisihan natin pag kumalma na. Baka pwede namang bago magdecide, uminom muna ng malamig na tubig-kumain-manood ng sine-magfb-makipagkwentuhan sa kapitbahay-magDiamond Dash, magteleserye marathon-basta madivert lang saglit ang isip kase malay natin, bukas, pag ok ka na, sasabihin mong nabigla ka lang. (Hala, ano ‘to joke?!) Di naman pwede yun. Dahil pwera biro, hindi nakakatawang paglaruan ang feelings ng isang tao dahil lang sa hindi ka sigurado sa nararamdaman mo.

When you can no longer think of a reason to continue, you must think of a reason to start over…cause when it’s time to let go, you’ll just know.

Turuan ng Leksyon.

Lesson # 1:  Magreak ng naaayon sa tamang lugar, tamang oras at tamang sitwasyon.

Hindi yung bigla ka na lang makikisawsaw dahil lang sa “pakiramdam” mo, ikaw ang highlight ng event. Ikaw na naman. Para bang ikaw lang ang nag-iisang tao sa buhay ng iba para pag-aksayahan ka pa ng panahon. KSP lang naman ang alam kong sumasawsaw sa isyu ng may isyu.

Lesson # 2: Pag di ka sigurado, wag banat ng banat.

Sabagay, kung kinalat mo na ang isyung ito sa iba, ikaw at yung mga chuwariwap mo ang magmumukhang tanga kaiisip sa mga bagay at isyung hindi naman nag-eexist. Pero kung trip mong bumanat dahil bored ka na sa buhay mo, go. Buhay mo naman yan, ano bang pakialam ng iba.

Lesson # 3: Umarte ng naaayon sa maturity level.

Kung lampas kwarenta ka na o di kaya’y trenta, wag mong kakaligtaan na pag umarte ka na parang hayskul, bukod sa nagmumurang kamatis, ‘kakadiri na itong tingnan. Kung di mo mashado na-enjoy ang hang-outs nung hayskul kasi autistic ka dati, too late na. Past is past.

Lesson # 4: Mahirap gisingin ang taong gising.

Katulad ng mga taong naniniwala lang sa iisang rason. Siya ang tama, sila ang mali. Bakit ka pa mag-effort mag-explain kung natural na blanko naman ang takbo ng isip ng kausap mo. O, siya…ganito na lang, kung sa tingin mo tama ka. Eh di tama ka, may tama ka talaga. Lols. Un lang.

Lesson # 5: Pag dedma ka, wag ka na magpapansin.

Laganap na talaga ang Ka-KSP-han sa mundo. Meron bang lunas dito maliban sa peste’-cide? Minsan kasi, di ko maiwasan matawa kapag nakakakita ako ng mga ganyan. Bongga maka-effort talaga. Award winning. Pam-Famas. –Eh hindi naman ako yayaman sa inyo, so bakit ko kayo iintindihin??

Lesson # 6: Pag gusto mong gumanti, galingan mo naman.

Hindi yung puro banta na lang. Yung mga tipong, “Salamin nga nababasag, mukha mo pa kaya?!” –mga ganyan. Paalala lang, When you got nothing, you got nothing to lose. Kung totoong wala kang takot, kahit kay Karma…gawin mo na lahat ng makakaya mo. Go. Good luck.

Lesson # 7 : Kung sa tingin mo ikaw ang nasa katwiran, Ipaglaban mo!

Sabi yan ni Attorney Sison noon tuwing Linggo pagkatapos ng Sa Linggo nAPO sila. Marami naman talagang fumi-feeling agrabyado kahit hindi kailangan. Basta lang may masabi. Basta lang may baon sa hapag-chismisan. Di ko naman kayo masisisi kung yan ang source ng energy n’yo. Gaya nga ng motto ng mga Linta…hangga’t may masisipsip, kapit-sipsip lang. Eh pag nakasipsip na sila ng sapat, sunod nun, chugi na. Kung jan talaga kayo magiging masaya eh, go.

Lesson # 8: Pag may tiyaga, may masarap na ulam.

Kung ako sa inyo, goal setting na lang ang aatupagin ko. Di naman tataas ang annual net income n’yo pag maraming walang kwentang bagay ang pinagpyestahan n’yo sa buong taon. Bukod sa kasingdami n’yo rin ang trumatraydor sa inyo, di ka na rin makakasiguro na yung malimit mong kabiruan MISMO ang trumatraydor sa’yo pag wala ka or minsan kahit anjan ka pa. Saklap. Sa panahon ngayon, napakahirap na’ng magtiwala. Eh kung napakalalakas n’yo mambalahura ng mga chuwariwap mo, wag ka na magtaka kung sa ibang tao, binabalahura ka na rin ng mga chuwariwap mo. Epic fail.

Lesson # 9: Wag lang take ng take….mag-give ka rin naman, sugapa ka.

Di naman araw-araw may espeshal na okasyon para di ma-olats. Tandaan n’yo, What goes around, comes around. Parang gulong lang yan. Di naman pwedeng buenas na lang. Minsan, darating din ang moment mo. Aakyat ka sa stage at mabibigyan ka na ng award sa mga pinaggagawa mo. PERO, wag magsaya, hindi lahat ng award maganda ang title. At hindi lahat ng naa-Award-an ng maganda, deserving sa award na yon. Lalo na pag bunga ito ng kayod-marino sa pananapak ng ibang tao. Pero ganun talaga, may nakakalusot lang. Pero pag oras mo na. Oras mo na. Congratulations.

Lesson # 10: Kung gusto ng respeto, matutong rumespeto.

Hindi naman ito nakukuha ng basta-basta lang. Di porket mabait ka kahapon, ibig sabihin nun maniniwala na agad ang lahat lalo na kung nakailang bingo ka na. Sa panahon ngayon, mahirap nang paniwalain ang mga tao. Eh sa dami ba naman ng mga manloloko at abusado sa mundo, kundi ka pa matuto. Eto na lang, kung di mo kayang irespeto ang ibang tao, try mo na lang sa sarili mo. Wala namang mawawala sa’yo, di mo kailangang magbayad ng pera. Ngayon, kung di mo talaga kaya. Masarap mabuhay ng literal na walang iniintindi. Maiintindihan ka rin ng lahat. Pag wala na sila.

At, kung sa tingin mo ikaw talaga ‘to, eh di ikaw na nga. Gusto mo yan eeeehh.

Ciao! :lol:

BV??! GV!!!!

Nakita kita kanina, nung naglakad ako palabas saglit sa napakatahimik na kinalulugaran ko. Gusto ko kasing makarinig ng konting ingay na bihira kong marinig sa buong araw ng pagtatrabaho…yung ingay ng mga walang ginagawa. Hindi kasama sa agenda ko ang makita ka dahil katulad ng sirang plaka, alam ko na ang aura’ng makikita ko…yung pakiramdam na magugunaw na ang mundo…bukas.

Pasensya na lang ako, ikaw ang nabungaran ko kasama ng bigat na gusto mong ipasan sa mga taong wala kang amor. Iniwas ko na nga ang paningin ko, umaasang hindi mahawa sa nega vibes na parang virus na nakapaligid sa lugar ninyo.

Pero katulad kong likas na pasaway, sinabi na ngang wag pero napasagi ka pa rin sa gilid ng paningin ko.

Haayy, bakit ba hinahayaan mong mabuhay na walang kalatuy-latoy? Hindi mo ba alam na sa tuwing magsisimangot ka, iniimbita mo ang mga masasamang elemento na paligid-ligid? Dahil jan, ikaw mismo ang sumisira ng magandang araw, para sayangin ang mga minuto at oras na hindi mo na maibabalik.

Di lang naman ikaw ang may negatibong epekto pag nakikita ko. Meron nga malapit sa’kin, di nila alam na alam ko ang ginawa nila na umabot na sa pagkawala ng interes at tiwala ko sa kanila pero kailangan ko pa rin isiping may magandang intensyon sila kung bakit nila yun ginawa. Minsan, nahihiwagaan lang ako kung saan sila kumukuha ng tapang ng apog para humarap na para bang wala lang.

Sabi ko sa sarili ko, ayoko nang maging nega. Gusto ko nang umiwas sa mga taong nakikirason para magalit at paiksiin ang pasensya ko dahil lang sa pagiging imperpekto nila. Dahil una sa lahat, pareho-pareho lang naman kaming di perfect. Marunong na lang akong umiwas ngayon.

Siguro nga totoong temperamental ako. Bukod sa mga nega, inis ako sa mga taong mahilig magturo kung ano ang tama para sa’yo lalo na kung alam mong di sila ang tamang tao para umagaw-eksena sa paglilitanya porket “pakiramdam nila, andun sila mga grupo ng mga tama at mabubuting alagad ng planetang kinabibilangan nila.

At hindi porket mali ako, sila na ang tama.

Hindi porket okay ka, mang-eepal ka na, ganun.

Mamuhay ng walang pakialam sa iba. May kilala akong ganyan. Isa lang ang masasabi ko sa kanya gaya ng paboritong raising eyebrow line ni bff zapped noong 90′s – - “The nerve!!!

Totoong masarap magpatawad, lalo na sa mga taong hindi deserving. Kung paiiralin mo kasi ang pagiging tao mo, mas gugustuhin mong antayin ang karma niya para mapayapa ang loob mo lalo na’t mas deserving ito sa karma kesa patawarin. Kaso mo, masama rin ang mag-isip ng di maganda sa kapwa, kahit gaano pa kaitim ang budhi nito. Mas makakabuti pang dedmahin ang bad vibes na ito sa paraang proven at tested na….

Walkout-an mo sila.

Minsan, mas makakabuti na rin ang pananahimik at paglilimita ng koneksyon. Less talk, less mistake. Hindi mo naman kasi malalaman ang mga tama at maling taong pakikisamahan mo. Kadalasan, kusa mo itong natutuklasan sa mga sitwasyong di mo inaasahan. Pag andun ka na…saka ka magdesisyon.

O kaya, eto ang pinakamagandang gawin – - imbitahin ang lahat ng good vibes. Party-party na tayo. Forgive but never, ever forget. Learn your lessons and get on with your life. 

Ako na.

Hindi ito yung usong linya ng pamumuri pag merong something big time sa’yo, ginawa para sa’yo or may nangyaring ka-tambling-tambling na pwedeng i-award lamang sa’yo.

Ito yung Ako na as in “Ako na ang gagawa.

Shempre naman, walang ibang pwedeng umepal sa buhay ko kundi ako lang.

Katulad ng maraming kakilala kong Arian. Marami akong imbak na energy. At kadalasan sa sobrang dami nito, kung pwede lang i-share sa iba para lang makasabay sa hyperness ko, ginawa ko na. At kung nabebenta lang ito, chak milyonarya na ko.

Mahilig akong mag-Ako na. Siguro dahil sa pagiging OC at dahil ayokong iasa sa iba na magawa ang isang bagay na naaayon sa gusto ko kaya ako na lang ang gumagawa. Kahit na mapagod.

Minsan din kase, ayoko rin makaipon ng impression na pala-utos ako at nagmamando pag ginaganahan. Kase, kung pwede ko naman gawin, bakit mang-uutos pa ‘ko. (Or siguro nasanay lang akong utusan dahil bunso nga ako…)

Minsan, nagagamit ko rin yan pag naiinis na. Yung tipong, “Wag na nga! Cge na, Ako na lang!” Mga ganyan. Malamang yan nasabi n’yo na rin.

May mga tao rin kasi na hindi mo basta-basta masasabihan na di rin nila mami-misinterpret ang ginagawa mong pagtuturo ng gagawin. Mamaya masabihan ka pa ng, “Alam ko, hindi ako tanga…” Mga ganyan. Pahiyang marami ka lang nun for sure. (Or siguro dahil naka-encounter na ko ng ganyan…)

Nakakawalang gana kasi pag mataas ang expectations mo dun sa pinagawan mo tapos it turned out na di pumasa sa’yo. Uulit ka pa ba? Malamang kung sasabihin nun na next time gagalingan na niya. Ayun baka pwede pa.

Siguro nasanay lang din ako na hindi iasa sa iba ang mga gusto kong gawin (unless super comfortable ako sa tao…). Isa pa, wala naman akong bunsong kapatid para alilain. Kaya natuto akong gawin mag-isa. Naging advantage naman in fairness. Yun nga lang, nagkaron naman ako ng trust issues. Minsan, pag tingin ko lang sa tao na di kayang gawin, kahit mag-attempt, di ko na rin gagawin.

Mahirap talaga iwasan ang nakasanayan. Diba? Kaya walang pilitan.

Siguro kung meron mang nakaka live up sa expectations ko, sila yung mga maituturing kong totoong nakakakilala sa’kin. Sila lang yung pwede kong palampasin and they don’t have to try harder to please me. Pagdating sa kanila, kahit di na ko mag-Ako na, pwede ko nalang irelaks ang likod at itaas ang paa ko nang wala nang aalalahanin pa. :)

Wehnonamanngayon??

Yan ang sagot ng mga taong walang pakialam sa iisipin at sasabihin ng iba, kung anuman ang gawin nila sa buhay. Sila na. Ang mga walang takot. Walang hiya. At walang pakundangan basta’t alam nilang yun ang makakapagpasaya sa kanila.

Aling Baby: Wehnonamannga…

Ok yun ah. Yung wala kang pakialam. Pero shempre naman, depende yan sa sitwasyon. Laging case by case basis ang pagiging literal na walang pakialam kase may delikadesa silang tinatawag.

Yan yung lagi kong naririnig sa mga oldies. Kahit papa’no naman, magkaron ng konti nito para bumalanse ang lahat. Pwede mo naman kasing wag pansinin ang puna ng iba habang alam mong nasa tamang level ka lang. Alam mo yan.

Wala naman kasing masasabi ang iba kung wala naman ding makikitang pwedeng pansinin.

Ang masaklap dito, lahat ng tao ay entitled to their own opinion whether it’s wrong. Yup. Wala naman kasing makakapigil dito. Kung pwede lang na lahat ng bibig awtomatikong na-zzipper lalo na pag di naman magaganda ang lalabas dito. Kaso hindi. Nasa sa’yo yan kung papatol ka. Papatulan mo. At bababa ka sa lebel nila para magkaalaman na kung sino ang mas balahura sa inyo.

In fairness, para sa akin lang…gusto kong makita rin ng mga ito ang hinahanap nila para malaman na hindi palaging Happy birthday at Happy Fiesta ang buhay. Paminsan-minsan, kailangang maturuan ng leksyon para sa susunod pailalim na silang titira. :)

Yung tipong magbubulungan na lang pag lampas mo sa umpukan nila.

Paborito ko ang grupong ito eh. Yung masigabong nagwewentuhan sabay pagdaan mo parang may anghel na nagprusisyon at biglang nasa library na sila. Yes. At kahit na i-deny nila, halata mo talagang may koneksyon sa’yo ang pinag-uusapan dahil, hindi makatingin. Bakit? Busy talaga sa trabaho? Weh, di nga?

Meron nga kaming nakita nung weekend sa isang kainan. Yung dating housemates namin. Malalaman mong nakita ka talaga kase hindi normal na ganun ka-tutok ang mata sa kausap at parang walang nakikita. Alam mo naman siguro ang totoo sa nagpapanggap lang. Isa pa, di naman nila kailangang gawin yun kasi wala rin naman kaming balak makipaghuntahan sa kanila pagkatapos ng mga ginawa nila nung magkakasama pa kami.

Masaya rin naman yung wala kang pakialam. Lahat naman pwede talagang gawin kung ano ang gusto. Basta ang importante, wala kang inaagrabyado. Wala kang tinatapakan. Yung ganun.

At kapag di mo na keri ang mga sinasabi ng iba…maawa ka na lang. Kase, alam nating lahat na walang gamot sa mga taong insecure at inggitero/a’ng tulad nila.

Wag nang patol ng patol.