Maysakit si lablayp. Hindi maganda ang katapusan ng Mayo para sa kanya. Kung anu-anu ang masakit na dinadaing, naglolokohan nga kami na siguro nga ganito talaga pag tumatanda na. Naniningil na ang ating mga walang kamalay-malay na katawan sa mga pinaggagawa natin dito nung kalakasan pa natin, tsk tsk..
Pagdating namin ni Mayn sa bahay, kinumusta ko agad si Lablayp ko dahil pumasok siya sa opisina na may lagnat. Ayon, mataas ang lagnat at nag-uubo. Nagmistulang isang ward sa ospital ang kuwarto. Walang doktor pero may nars…shempre ako yon. Ngayon ko na mai-aaplay ang konting natutuhan ko sa aming THE class nung hayskul, konti na lang kasi sobrang tagal na nun kaya.
Mahirap magkasakit sa panahon ngayon, kaya nga talagang pinagpahinga ko siya para hindi na magtagal yung sakit niya. Kailangan niya talaga kasi kung anu-anu na ang nasasabi niya. Nung isang gabi bago matulog, nakakita kami ng gagamba, napabalikwas kaming pareho at pinilit hulihin ito.
Lablayp: Mine, kailangan na nga talaga nating maglinis ng kuwarto.
Ako: Oo nga kasi, ang kalat-kalat na dito.
Lablayp: Saka ginagagamba na tayo.
Natawa naman ako dun.
Ako: maMine, bago yan ah. Ang alam ko lang pwedeng nilalanggam, iniipis, dinadaga, nilalamok, pinuputakte, binubulate, inuuod…pero
ginagagamba?!
Hindi ko napigilang hindi magtawa. Shempre, may sakit…ayon at nayamot.
Nung gabing yon, hindi ako halos nakatulog. Lagi ako nagigising para tingnan ang temperatura niya dahil kahit na nakakailang Biogesic (lang, kasi allergic siya sa Alaxan.) at malaki naman ang pananampalataya ko sa Biogesic na iyon na kahit papaano ay bababa ang lagnat niya. Hindi ko alam kung ilang beses akong bumangon at natulog nung gabi na ‘yon at kung nakailang panaginip ako na halos iisa lang ang topic >> Si Lablayp na maysakit na inaalagaan ng kanyang private nars(ako yon). Ang kaibahan lang ay ang mga lokasyon. So, in short nilinlang ko lang ang sarili ko sa pagsasabi na nakatulog nga ako.
Alam nyo naman siguro kung gaanu kabait ang isa sa boss-amo ko, kaya bagamat gustuhin ko mang mag-absent, hindi ko alam kung anu ang sasabihin ko sa mga ito para pumayag sila, as if naman na may pakiusapang magaganap. Kaya sa kalagitnaan ng paliligo ko, nakapagdesisyon ako na, ayon nga hindi na lang. Bahala na ang mga anghel namin sa langit.
At ayun nga, nag-alagaan kami. Kahit mainit sa labas, dun na siya nakatulog para mapawisan. Mabuti na nga lang at off niya rin. Ang sakit dapat binibigyan yan ng ultimatum na isang araw para magpakasasa sa pagpapasama ng pakiramdam mo dahil kinabukasan kahit ayaw pa niya, kailangan ka na niyang layasan. Kaya naman bago matapos ang araw na ‘yon, masaya na kami dahil medyo bumuti na ang pakiramdam niya. Nakakakulit na siya at makakapasok na rin kami sa opis bukas. Ako, ayos lang kahit na masabon-sabon bukas sa opisina, ang importante magaling na ang lablayp ko. Kayang-kaya ko namang banlawan ang sarili ko eh
.
Ipinaskil ni Aling Baby
____________________________
"Isang taon na ang Aling Baby Blog! Salamat po sa lahat ng pabalik-balik, nakitira, nakikidalaw, nakikibasa, nakikipagkaibigan. Sa mga comments (touched ako talaga..) Sa walang sawa n'yong pagsilip kahit na bihira na lang makapag-update si Aling Baby.
Maraming Salamat po!"
[Aling Baby Blog*30 April 2008]












