Nung mga bata pa tayo, indi natin mashado alintana ang hitsura ng mga kalaro natin. Kung marumi ba ang damit nila, indi naligo, punumpuno ng sipon ang ilong, mahahaba at maruruming kuko, pangit na gupit, tsinelas na pigtas, butas na damit o short, sirang ngipin sa harap at mga sugat sa tuhod at siko. Ang goal lang naman kasi natin nung mga bata pa tayo ay ang malaro ang lahat ng klaseng laro hangga’t may araw pa. Hangga’t wala pang pasok kinabukasan o kung pwede, wala na ring tulugan. Kesehoda kung anu ang itsura ng kalaro, ang importante magaling itong kakampi, mabilis tumakbo, champion sa jack en poy, indi nade-deds sa Chinese garter o luksong tinik/baka.

Pero sa ating paglaki, namumulat na tayo mula sa kamusmusan. Nagsisimula nang maging conscious. Idedeposito mo na ang mga alaalang minsan nagmukha kang street kid sa paglalaro ng kalog, patintero, habulan, piko at kung anu-anung mga laro na kayang abutin ng imahinasyon mo noong bata ka pa. Kung naligo ka man na nakasalawal lang at nakita iyon ng kalaro mo, ang mga bagay na iyon ay ayaw mo nang pag-usapan pa.
Lalo na sa panahon ngayon na malakas ang impluwensya ng kanlurang kultura. Kung paanong nagiging haytek ang mga kagamitan. Lahat ng materyal na bagay na pwedeng ipakita para lang masabing nasa uso ka. Ito ang labanan ngayon, pag indi ka “IN” o sumasabay sa “Trend”…para kang may sakit na nakakahawa. Malala pa sa ketong. Pag simple lang ang lifestyle mo, asahan mo KJ ka na agad sa ibang tao. Minsan nga may tawag pa ditong old fashioned, nerd, baduy o yung may malaking letrang L sa noo, “LOSER” with a pinch of “Whatever” on the side kasabay ng pitik ng ulo at balikat.
Nakatapos at nakapagtrabaho naman pagkalipas ng kulang-kulang dalawampung taon sa pag-aaral. Ang iba dito ay kumikita ng tama. Buenas kung lampas sa sakto ang kinikita. Pero meron pa rin na halos kulang pa pambayad sa utang ang sinusweldo. Sa estado ng buhay natin ngayon, napakahirap sumabay sa trend na yan. Kung ikaw ang taong praktikal, ang bigat sa loob maglabas ng ilang daang piso para lang makakain sa sushal na kainan. Para sa kapeng may ginto kapalit ng pag-upo at pagtambay sa upuang may payong na may logo nito hawak ang basong/mug na may logo rin nito para sa mga kwentuhang punung-puno ng hangin at mala-aircon o feeling intelektwal na usapan. Mga gimikan na kinakailangan ng astig na porma, pamatay na cellphone, kewl accessories at over confident personality. Kanya-kanyang display ng mga gadgets. Taglish dito, taglish doon. Isang paraan para mapagastos, maholdap, malasing, at mapuyat.
Kung noon, regardless kung naligo man o indi ang mga kalaro natin indi ito makakasagabal sa paglalaro. Kung gaano kasimple maging buhay bata, ga-mundo ang diperensya nito pagtanda. Ang laki-laki ng mundo pero pakiramdam mo ikaw lang mag-isa ang pumapasan dito. Dati pag naririnig mo ang mga balitang pagtaas ng kuryente, gasolina at mga bilihin, tatakbo ka pa para hanapin ang mga kalaro na naghihintay sa kalsada. Pero ngayon, gustuhin mo mang tumakbo palayo alam mong bukas iyon pa rin ang sasalubong sa’yo pagsakay sa jip at kapag namalengke. Kung pwede nga lang maging bata na lang habambuhay, para laging exempted sa problema ng bayan. Ikaw ang akay-akay. Hila-hila ni nanay at tatay. Hinahayaang daanan ang pagiging bata. Para kang patabaing mammal. Inaalagaan, pinag-aaral, pinaghahanda para sa kinabukasan. Ang mga susunod na “tagapagbayad sa utang ng bayan”.
Ngayon naiisip ko na kung gaano kahalaga ang tulog na pinipilit ni nanay tuwing tanghali. Sana pala natulog na ko ng natulog dahil ngayon swerte nang mabuo ko ang walong oras na tulog gabi-gabi. Yung kursong nursing, accounting, engineering na sinasabi nilang makakaangat sa buhay ko pagdating ng araw. Totoo nga palang talaga na ang mga ito ang in demand kahit na sa ibang bansa. Yung malimit na pagtatalo namin sa pakikipagbarkada. Ito raw ang makakasira ng konsentrasyon sa pag-aaral. Sa isang banda, nalaman ko rin na ito ay tama. Unahin daw ang makapagtapos bago pumasok sa isang seryosong relasyon. Marami na rin ang nabingi o mas piniling indi pakinggan ang sermon na ito.
Kung regrets lang ang pag-uusapan, meron din ako nyan. Indi ka tao kung kahit isa man sa lahat ng pinagdaanan mo eh wala kang pinagsisihan at pinangarap na ibalik ang mga oras na yon para mag-delete ng konting pangyayari. Walang taong walang regrets. Lahat tayo ay may mga bagay na pinanghihinayangan. Kung may power sana tayo para mabalikan ang lahat, anu kaya ang posibleng estado ng buhay nating lahat? Isang pangarap at pag nahimasmasan na naiisip ko rin malamang indi ko rin siguro magugustuhan kung meron mang power to turn back time. Mawawala na kasi yung lessons learned. Yung importance ng paghingi ng tawad yung pagbabago at pagtitiwala kina Kuya Jesus na habang may buhay may pag-asa.
Kahit ganto, may mga dispalinghado na desisyon, nadapa, nasubsob at napahamak sa mga ilang bagay na nagawa…Okay pa rin naman diba? Kung indi man natin pwedeng baguhin yung nakaraan, indi pa rin naman huli para ayusin ang lahat. Everyday is a new beginning. Masasayang lang ang oras natin sa paghahangad ng mga bagay na alam na ngang indi pwede eh pinipilit pa rin. Meron akong kakilala, ang motto niya sa buhay eh “Time is Gold” pero ubod ng kupad kumilos, laging late sa trabaho at tanghali na rin gumigising. Nasa’n ang pagbibigay niya ng importansya sa oras nun? Tayo ang hari at reyna ng buhay natin at minsan lang tayo mabubuhay sa mundong ito kung isa mang pelikula ito, galingan na natin ang pagganap dahil sa huli indi naman importante yung mga award na yan eh…it’s how well we lived our lives and how many lives we’ve touched along the way.
Ok na yon sakin.

Ipinaskil ni Aling Baby 





Ipinaskil ni Aling Baby 
Ipinaskil ni Aling Baby 







































































____________________________
"Isang taon na ang Aling Baby Blog! Salamat po sa lahat ng pabalik-balik, nakitira, nakikidalaw, nakikibasa, nakikipagkaibigan. Sa mga comments (touched ako talaga..) Sa walang sawa n'yong pagsilip kahit na bihira na lang makapag-update si Aling Baby.
Maraming Salamat po!"
[Aling Baby Blog*30 April 2008]












